Gobyerno, inutil sa pagtaas ng presyo ng gas at mga bilihin
- BULGAR
- Sep 24, 2019
- 1 min read
Bigtime oil price ngayon, kakapiranggot na rollback bukas.
Halos kada linggo ay ganito na ang presyuhan sa petrolyo. At ‘yung ngayon ang maituturing na isa sa pinakabonggang pagtaas.
Nauna nang inabiso na aabot sa P2.60 ang itataas sa presyo ng gasolina, P1.80 sa diesel habang P1.90 naman sa kerosene.
Ang mga namamasada at pribadong motorista ay kapwa walang magawa kundi kamot-ulo na lang.
Ang tanong, sino ang may magagawa?
Kung kaya lang sanang hawakan ng gobyerno ang sitwasyon.
Pero, tila pare-pareho na lang tayong naghihintay kung kailan bababa o tataas ang presyo ng gas.
Ang masaklap, paano kung umabot na sa krisis?
Sapat ba ang paghahanda ng gobyerno?
Isa sa mga nakikitang ayuda ay ang 40% na pag-aari ng gobyerno sa pinakamalaking oil company sa bansa. Sa pamamagitan nito ay may pagkakataon umano na pangunahan ng gobyerno ang alinmang “emergency oil supply situation”.
Sana, puwede itong maging solusyon o kung hindi man, may maisip at magawa pang iba.
Huwag sanang umabot na halos tumambling na ang taumbayan sa taas-presyo ng gas na susundan ng dagdag-presyo ng mga bilihin at serbisyo. ‘Yan ang awtomatik na senaryo at wala tayong magawa kundi ang pikit-matang gumastos at doblehin o triplehin pa ang kayod.
Kaya ang panawagan natin sa gobyerno, galaw-galaw din bago pa lumala ang sitwasyon sa petrolyo.
Comentários