Lalaking single sa edad na 29, susuwertehin kung babaeng cancer, pisces, taurus ang liligawan

Dear Maestro,
Ako ay taong dos dahil ipinanganak ako noong November 2, 1990.
Paano magkakaroon ng maligaya at matagumpay na buhay ang mga taong dos? Gayundin, wala pa akong girlfriend ngayon kaya gusto ko ring malaman kung sino ang babaeng ka-compatible ko?
Kailan kaya ako magkaka-girlfriend at ano ang zodiac sign ng magiging first girlfriend ko?
Umaasa,
Jack Edward ng Marulas, Kawit, Cavite
Dear Jack Edward,
Ang zodiac sign mong Scorpio ay nagsasabing, ka-compatible mo ang mga babaeng nagtataglay ng zodiac signs na Cancer, Pisces, Taurus at kapwa mo Scorpio, higit lalo ang may mga birth date na 7, 16, 25, 4, 13, 22, 31, 2, 11, 20 at 29, gayundin silang nagtataglay ng strong number na 8, 17, 26, 1, 10, 19 at 28. Sila ang mga babaeng dapat mong ligawan at magandang mapangasawa upang magkaroon ka ng maligaya at matagumpay na pamilya.
Para buong lakas mong mahihigop ang magagandang kapalaran, sa kabila ng katotohanang weak number o mahina ang numerong 2, dapat ka ring makisama sa mga taong nagtataglay ng strong number na tulad ng mga nabanggit na sa itaas.
Ang mga taong nabanggit ang makatutulong sa iyo sa lahat ng aspeto ng buhay, lalo na kung palagi kang didikit at makikisama sa kanila. Habang ang mga taong may bitbit ng mga numerong 7, 16, 25, 2, 11, 20 at 29 ay mga natural o kusa mong magiging kaibigan, magiging mahalagang bahagi ng iyong buhay at shoulder-to-lean on kung saan sa panahong may mabigat kang problema, sila ang aagapay at tutulong sa iyo.
Ang pinakamapalad mong panahon ay mula sa ika-19 ng Enero hanggang sa ika-28 ng Pebrero, mula sa ika-19 ng Hunyo hanggang sa ika-28 ng Hulyo at mula ika-19 ng Oktubre hanggang sa ika-28 ng Nobyembre. Ang isa pa sa pinakamapalad mong panahon ay kapag new moon, first quarter at full moon. Sa mga panahong nabanggit, kusang iigting ang mabuting kapalaran. At sa mga panahon ding tinuran, magandang makipagsapalaran o kaya gawin ang mahahalagang plano sa buhay upang magkaroon ng positibong resulta at masigurado ang tagumpay.
Samantala, berde, pula at itim ang mapalad na kulay na dapat mong gamitin upang mabilis mong mahigop ang magagandang kapalaran. Habang ang batong topaz o kahit anong uri ng bato na nagtataglay ng kulay pula o berde na ipalalamuti sa gold na singsing ay magsisilbing talisman mo upang hindi ka tablan ng mga negatibong pangyayari sa iyong buhay. Sa halip, ang nasabing hiyas ang magbibigay sa iyo ng dagdag na lakas ng loob at kakaibang suwerte habang ito ay patuloy mong isinusuot na nakadikit sa iyong balat.
Ayon sa Decadens ng Kapalaran, kusang lalakas ang natural na magnetismo ng iyong personalidad. Ngayong taon, kaya saktung-saktong sa edad mong 29 sa kasalukuyan, walang sablay, magkaka-girlfriend ka na at habambuhay na magiging maligaya, hatid ng babaeng isinilang sa zodiac sign na Cancer.




Comments