Na-ghosting ng first BF, mas liligaya kung taurus, capricorn, pisces, gemini ang ipapalit

Dear Maestro,
Gusto kong malaman kung magkakabalikan pa kami ng boyfriend ko? Nanghihinayang kasi ako sa relasyon namin dahil medyo matagal na kaming magdyowa at mag-iisang taon na sa December 25 pero, hindi ko akalaing sa wala mapupunta ang relasyon namin.
Sa ngayon, wala na akong balita sa kanya dahil bigla na lang siyang nawala at hindi na nagpakita sa akin. Nakilala ko siya sa text at ang alam ko lang ay taga-Cavite siya pero hindi ko alam kung saan ang eksaktong address niya.
Kung sakaling hindi na siya babalik at hindi siya ang nakalaan para sa akin, sino kaya siya, saan at kailan ko kaya matatagpuan ang lalaking ito? October 12, 1989 ang birthday ng ex-boyfriend ko at August 29, 1991 ang birthday ko.
Umaasa,
Andrea ng Abangan Sur, Marilao, Bulacan
Dear Andrea,
Hindi gaanong magka-compatible ang zodiac sign mong Virgo sa zodiac sign na Libra ng lalaking sinasabi mo, gayundin ang birth date mong 29 o 2 (ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2) ay hindi rin gaanong tugma sa birth date niyang 12 o 3 (1+2=3).
Bagama’t, magkapitbahay na zodiac sign ang Virgo at Libra kaya nagkaroon kayo ng relasyon ay hindi naman gaanong magtatagal. Sa halip, madaling nagwawakas kapag hindi dinilig ng kalinga, romansa at totoong pagmamahal.
Tulad ng nasabi na, dahil ang pagiging compatible ng Virgo at Libra ay nagaganap lamang sa ilalim ng ikatlong batas ng compatibility na kung tawagin ay “neighboring attraction” kung saan ang magkapitbahay na planeta at zodiac sign ay natural na naghahatakan at naghihigupan ng lakas.
Ngunit, sa sandaling kapwa napagod ang dalawang pusong nagmamahalan at nagkataong LDR ang relasyon, mauuwi rin sa pagkawala at tuluyang pagkatunaw ang pagmamahalan.
Sa susunod na pakikipagrelasyon, upang lumigaya ka na, makabubuting hanapin mo ang mga lalaking isinilang sa zodiac signs na Taurus, Capricorn, Pisces, Gemini at kapwa mo Virgo higit lalo silang may mga birth date na 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 5, 14 at 23 kung saan ang mga lalaking ito ang tunay mong ka-compatible at katugma na nakatakdang makasumpong ka ng kakaiba at panghabambuhay na ligaya sa piling nila.
Ayon sa iyong Love Calendar, nakatakdang dumating ang nasabing lalaki na maging ikalawang boyfriend at makakasama mo sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya, humigit-kumulang ngayong taon hanggang 2020 sa edad mong 28 pataas, hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Taurus.




Comments