Malalaking ibon na may ibinubulong, sign na susuwertehin at magkaka-love life
- BULGAR

- Sep 15, 2019
- 1 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Ochie ng Ochie_Magbanua@facebook.com
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko na may pumasok na malalaking ibon sa bintana ng kuwarto ko habang natutulog ako?
May ibinubulong sila sa akin pero, hindi ko maunawaan.
Natakot ako at nagsisigaw tapos, nagising na ako.
Maraming salamat!
Naghihintay,
Ochie
Sa iyo Ochie,
Ang ibon sa panaginip ay nagbabalita ng pagdating ng masusuwerteng araw. Kaya ayon sa iyong panaginip, susuwertehin ka na.
Bago mapanaginipan ang mga bagay o pangyayaring nagbabalita ng pagdating ng mga suwerte, ang nanaginip ay inip na inip na at nag-aakalang hindi na siya susuwertehin.
Ang iba pa nga ay tampung-tampo na sa langit dahil iniisip nila na tila bingi ang langit sa kanyang mga request.
Kaya suriin mo ang buhay mo ngayon. Kabilang ka ba sa mga nag-akala na hindi na susuwertehin?
Kung oo, muli, ayon sa iyong panaginip, susuwertehin ka na.
Paano kung wala sa iyo ang mga kahulugan ng ibon sa itaas?
Ikaw ba ay munting dalaga o isa ka bang dalagita o dalaga ka na pero takot kang magmahal?
Ang ibon sa panaginip mo ay ang magiging boyfriend mo. Hindi sa malayong hinaharap kundi malapit na at puwede ring sabihing ngayon na.
Kaya mabuting ihanda mo na ang loob mo at buksan ang iyong puso.
Huwag kang matakot magmahal at alisin mo ang pangamba dahil kaya nasa lupa ang tao ay para maranasan nito ang tamis at ligaya ng pagmamahalan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments