Seaman na susuwertehin din sa negosyo dahil sa palad na tumatalbug-talbog ‘pag sinalat
- BULGAR

- Sep 12, 2019
- 2 min read

Katanungan
Matagal na akong nagsi-seaman at maraming beses na akong nagpabalik-balik sa abroad at kung saan-saang bansa na ako nakarating. Ngayon, gusto kong magnegosyo na lang kaya naisipan kong sumangguni sa inyo.
Ano ang bagay na negosyo sa akin? Isinilang ako noong January 8, 1976.
Kasagutan
Puwedeng-puwede kang magnegosyo dahil ikaw ay nagtataglay ng square type hand o elementary hand na bukod sa spongy o tumatalbug-talbog kapag sinalat, kapansin-pansin ding may energy ang iyong palad kapag hinawakan (Drawing A. at B. arrow a.). Nagkataon din na ang birth date mong 8 at zodiac sign mong Capricorn ay bagay sa pagnenegosyo. At dahil ikaw ay “taong otso”, pabor na pabor sa iyong kapalaran ang pangangalakal.
Kaya lang, dahil ikaw ay taong otso, asahan mong sa simula ay maraming pagsubok at problema ang kahaharapin mo bago tuluyang umasenso ang itatayo mong negosyo. Kapag dumating man ang nasabing mga problema habang ikaw ay nagnenegosyo, dapat lamang na hindi ka sumuko dahil sadyang kaakibat ng iyong likas na kapalaran ang subukin ng tadhana o idaan sa maraming pagsubok upang tumibay, mahinog at tumatag ang pagkatao. At kapag matatag na ang iyong pagkatao, kasunod nito ang tuluy-tuloy na pag-unlad at pag-asenso.
Ang pag-aanalisang susuwertehin ka sa negosyo tulad ng sinuwerte kang makapag-seaman ay madaling kinumpirma ng straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, basta tinutukan mo nang husto ang isang bagay, hindi puwedeng hindi mo ito makuha at tiyak na mapagtatagumpayan mo ang anumang pinaplano at inaambisyon mo sa buhay.
Dapat Gawin
Kaya tama ang iyong pasya, Andoy, sa 2020, puwede ka nang magsimula, sa buwan ng Abril o Mayo na panahon ng summer o kaya ay Nobyembre o Disyembre ‘pag papalapit na ang Pasko, ang mga kalakal na may kaugnayan sa pagkain at agricultural products at puwede ring grocery o sari-sari store, sa poblacion o sa lugar na maraming tao. Sa ganitong negosyo at itatapat ang pagbubukas sa panahong nasa first quarter o new moon o full moon ang buwan, tiyak ang magaganap, mabilis na uunlad ang inyong kabuhayan hanggang sa tuluy-tuloy ka nang yumaman sa taong 2028 sa edad mong 52 pataas.




Comments