top of page
Kris Aquino C.H.I.K.A. - NETFLIX

Baril na lisensiyado sa ibang bansa, kailangang iwan sa PNP

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 12, 2019
  • 1 min read

Dear Chief Acosta,

Ang asawa ko ay umuwi ng Pilipinas at dala niya ang kanyang baril na ang lisensiya ay nakarehistro sa Amerika. Ano ang dapat niyang gawin? — Fides

Dear Fides,

Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay binigyang-linaw ng Republic Act No. 10591 o kinikilala bilang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”.

Ayon sa Section 22 ng batas na ito, ang sinumang pupunta sa Pilipinas na may dalang armas na kanyang legal na pagmamay-ari alinsunod sa batas ng bansang kanyang pinagmulan at kung saan ang nasabing armas ay idineklara niya sa kanyang pag-alis at pagdating ng bansa, bagama’t, ito ay hindi rehistrado sa Pilipinas alinsunod sa probisyon ng R.A. No. 10591 ay kailangan munang ideposito ang nasabing armas sa Collector of Customs na siyang maghahatid nito sa Firearms and Explosives Office (FEO) ng Philippine National Police (PNP) para sa ligtas na pagtatago at pagbibigay ng kaukulang permiso para rito.

Kung ang pag-aangkat ng kanyang dalang armas ay pinahihintulutan ng ating batas, ito ay maaaring magawaran ng lisensiya alinsunod sa probisyon ng R.A. No. 10591. Subalit, kung hindi niya nanaising ito ay mabigyan ng lisensiya o ang pag-angkat ng kanyang armas ay hindi pinahintulutan, ang nasabing armas ay mananatili lamang sa kustodiya ng FEO ng PNP maliban kung ito ay ipasira o ipatapon alinsunod sa batas.

Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page