top of page

Paggamit ng TV at cellphone sa bilibid, may bayad din!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 10, 2019
  • 2 min read

SA paglutang ng isang babaeng whistleblower sa kasagsagan ng pagdinig sa Senado hinggil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law, nabuking na ang naturang batas ay pinagkakitaan diumano ng mga opisyal ng isang ahensiya ng gobyerno, ang Bureau of Corrections (BuCor).

Sa isinagawang Senate hearing hinggil sa paglaya ng mahigit 1,900 convicted murderers, rapists, drug lords at iba pang akusado sa karumal-dumal na krimen na napan ng reclusion perpetua o pag­ka­kakulong ng 30 hanggang 40 taon, nabuking na nakalaya ang mga presong ito sa ilalim ng GCTA Law kapalit daw ng pera.

Ayon sa testigo, nilapitan siya ng isang babaeng opisyal ng BuCor at sinabing makalalaya na ang asawa nito sa kondisyong magbi­bigay siya ng P50K.

Dahil sa kagustuhang makalaya ang mister, guma­wa agad ito ng paraan para mabuo ang nasabing halaga. Nang makaipon ito ng “padulas” ay agad siyang inutusan sa isa pang lalaking opisyal ng BuCor na sa kanya ibigay ang “padulas”.

Dahil sa tagal ng panahon na hindi pa nakalalaya ang kanyang mister ayon sa itinakda ng “bugok” na opisyal ay agad na pumunta ang testigo sa BuCor para i-follow-up ang status sa paglaya ng kanyang asawa.

Ngunit, ang nangyari, pinagpasa-pasahan lang siya ng mga “bugok” na itlog, este, opisyal kung saan nang mapansin ng biktima na niloloko lamang siya ay ipinasasauli na lang nito ang kanyang pera dahil inutang lamang niya ‘yun.

Ang siste, sinabihan siya ng mga tiwaling opisyal na maliit na pera lamang naman daw ang ibinigay nito, pero nag­rereklamo na, samanta­lang ‘yung ibang mga nagbi­gay ng malalaking halaga, tahimik lang.

O, maliwanag pa sa sikat ng araw na ang GCTA ay for sale sa mga mayayaman at hindi naman pabor sa mga mahihirap. Totoo kaya ito?

Sa isiniwalat ng testigo sa Senate hearing noong Huwe­bes ng gabi ay lalong naghi­nala ang mga mambabatas at taumbayan na ang GCTA ay for sale nga sa Bureau of Corruption, este, Corrections (BuCor).

Ang iba pang raket na pinagkakakitaan ay ang hospital referral official pass at tanim-kaso modus, bayad para makapagpuslit ng cell­phone (P2 milyon hanggang P2.5 milyon depende sa klase ng cellphone) at TV unit (kapag ordinary lang ay P500 at kapag flat screen ay P1,500 kada araw) at pagdadala-pagpapasok ng pagkain sa preso, na kapag may lagay, puwede kang pumasok, pero ‘pag wala, bawal!

Grabeeee, garapalan talaga! Pwe!

Susmaryosep, sanda­mak­mak na katiwalian ang nangyayari ngayon sa BuCor. Hindi lang pala sa paligid natin nagkakaroon ng modus operandi ang mga walanghiya, ‘di ba?

Ikaw kaibigan, ano ang sey mo?

Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!

Mas ligtas ang may alam!

Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page