Gustong malaman kung kelan mamamatay sa dami ng sakit
- BULGAR

- Sep 8, 2019
- 2 min read

Katanungan
Sa edad kong 51, bakit kaya ang dami ko nang nararamdamang sakit sa aking katawan? May rayuma na ako at diabetic, gayung bata pa naman ako.
Sa palagay ninyo, aabutin ko pa kaya ang edad 75 na siyang target kong edad?
Ayaw ko kasing pahirapan ang pamilya ko kung hindi na ako makatayo sa aking higaan at wala nang silbi dahil kawawa naman ‘yung mag-aalaga sa asawa at mga anak ko.
Maestro, nakikita rin ba sa guhit ng mga palad kung anong edad mamamatay ang tao at kung gaano katagal ang haba ng buhay nito sa mundo?
Kasagutan
Masasabi ngang parang wala ring kuwentang mabuhay, lalo na kung iisipin mong tumatanda, nagkakasakit at pagkatapos ay mamamatay lang din ang isang tao.
Bakit kaya kailangan pang magkasakit, manghina ang pisikal na katawan at pagkatapos ay mamamatay, gayung kaysarap pa namang mabuhay?
Samantala, nakikita rin sa guhit ng palad kung gaano katagal ang ilalagi ng indibidwal sa mundong ito.
Sa kaso mo, Mel, nakatutuwa na makitang humaba ang Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin (arrow a.), mararating mo pa ang ideal age mo na 75 pataas kung ngayon pa lang ay mag-iisip ka na ng mapaglilibangan tulad ng maliit na negosyo o kaya naman ay makilahok ka sa public service or civic organization project na may layuning tumulong sa mga taong mahihirap at nangangailangan.
Anumang sektor ng lipunan ang nais mong tulungan ay maaari at puwede rin sa religious activities sa inyong lugar kung saan ayon sa mga pananaliksik, ang pagsali sa mga samahang pang-Simbahan ay sinasabing nakapagpapahaba rin ng buhay.
Sa ganyang paraan, magkakaroon ka ulit ng responsibilidad sa iyong kapwa, puwede ring maglingkod ka sa inyong Simbahan o kung anumang relihiyon ang iyong kinaaaniban. Puwede ring ikaw na ang magpaaral at mag-alaga sa ilan mong mga apo kung saan sa parteng iyon ng iyong buhay, magkakaroon ka ng silbi tulad ng naipaliwanag na, tuluy-tuloy na hahaba pa ang buhay mo at maaari mong maabot ang ideal age mo na 75 pataas.
Mga Dapat Gawin
Sa mga kabataan d’yan at ganundin sa mga malapit nang tumanda, tunay ngang dapat na ngayon pa lang ay paghandaan mo na ang iyong pagtanda at planuhin kung ano ang iyong gagawin sa panahon ng iyong retirement age upang kapag dumating ang panahong iyon ay hindi ka maging alagain at lumabas na kaawa-awa.
Ayon sa iyong mga datos, Mel, kung ngayon pa lang ay maglalabas ka na ng bahay at sasali sa mga gawaing may kaugnayan sa paglilingkod sa kapwa, tiyak ang magaganap, kahit sabihin pang kung anu-ano ang iyong nararamdaman, lalakas at sisigla ka. Mararamdaman ng unconscious-self mo na may silbi ka pa sa mundo at marami ka pang mga bagay na puwedeng gawin, kaya tulad ng nasabi na, marami ka pang mga taong dapat paglingkuran at mahalin, kusang hahaba at lalo pang magiging produktibo ang buhay mo sa mundong ito.




Comments