Bukod sa P100 K multa kada araw… Dole: GMA-7, tagilid masuspinde dahil sa pagkamatay ni Eddie

Anj Cabilla / PAK ANG GANAP

NABALOT ng lungkot ang mundo ng showbiz sa biglaang pagpanaw ng batikang aktor na si Eddie Garcia na mas kilala bilang Manoy, noong June 20 dahil sa neck fracture.
Sa unang pahayag ng GMA Network, inatake diumano sa puso kaya biglang natisod ang aktor habang nagte-taping noong June 8 para sa Kapuso teleserye na Rosang Agimat. Taliwas ito sa kumalat na video kung saan malinaw na makikitang aksidenteng natisod ang aktor sa nakakalat na kable, dahilan para ma-comatose at tuluyang bawian ng buhay si Eddie sa edad na 90.
Muling naungkat ang insidente ngayon at ayon sa imbestigasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE), may nagawang tatlong paglabag ang GMA Network sa Republic Act No. 11058 o Occupational Safety and Health Law sa set ng nasabing teleserye.
Sinabi ni DOLE National Capital Region Director Sarah Mirasol, “We conducted a mandatory conference already. We notified them of the violations [in] our findings which are the following: the non-submission of report within 24 hours, the non-provision of safety officer and also the non-provision of first aid in the worksite.”
Napapaloob din sa R.A. 11058 na ang mga contractors at employers na lumabag sa nasabing batas na naging sanhi ng kamatayan o injury ng manggagawa ay pagmumultahin ng P100,000 kada araw until the violation is corrected.
Ayon din kay DOLE Sec. Silvestro Bello III, maaaring humarap sa suspension ang GMA-7 at kung magbibigay ng approval ang pamilya ng yumaong aktor, magkakaroon ng meeting ang DOLE, GMA Network at ang iba pang sangkot sa insidente sa Setyembre 16 para ma-finalize ang gagawing resolusyon.





Comments