Inilaglag ng abogado: Trillanes, utak sa ‘Bikoy’ videos laban kay P-DU30
- BULGAR

- Sep 6, 2019
- 2 min read
INILAGLAG ni Atty. Jude Sabio si dating Senador Antonio Trillanes IV. Ito ay nang ibinunyag niya sa kanyang kolum sa Mindanao Gold Star Daily noong Setyembre 2 na ang dating senador umano ang utak sa “totoong narcolist”.
Matatandaang, ito ay serye ng video na nag-viral sa social media bago mag-eleksiyon. Ang nasabing video ay tinatawag ding “Bikoy” videos dahil ito ang alyas ng tauhan sa video na nag-akusa kay Pangulong Rodrigo Duterte at mga anak niya na sangkot umano sila sa iligal na droga.
Kasunod nito, matapos ang eleksiyon, nakilala ng publiko ang “tauhan” sa viral video, si Peter Joemel Advincula.
Bago nito ibinunyag na si Trillanes ang may pakana sa nasabing mapanirang video, ipinagpilitan muna niya ang kanyang kasinungalingan, pero kalaunan ay inamin nitong walang katotohanan ang mga akusasyong inilahad niya sa video laban sa pangulo at sa mga anak nito.
Kasimbigat nito ang panlalaglag ni Sabio kay Trillanes. Ito ang dating abogado na nagsampa ng kaso sa International Court of Justice na nag-aakusang marami raw pinatay si Pangulong Duterte at opisyales niya sa ‘giyera kontra ilegal na droga’.
Detalyado ang salaysay ni Sabio sa kolum na “Abyss of No Return” na si Trillanes ang nasa likod ng “Bikoy” videos.
Nag-meeting daw sila noong Abril sa Novotel Hotel sa Cubao kasama ang kanyang misis na si Joann.
Nagulat pa raw siya dahil galit na galit ang kanyang misis sa dating senador dahil pinipilit nitong siya ang maging abogado ni Bikoy. “Sir, huwag mong itutuloy ‘yan, babagsak ka niyan at hindi ka na makababangon,” sabi ng misis niya kay Trillanes.
Isa pa umano sa ikinagalit niya kaya piniling huwag tumulong o sumama sa propaganda ay nang tanungin daw siya ng isa sa mga tauhan ng dating senador kung “updated” daw ba ang kanyang lisensiya dahil nainsulto raw siya.
“Kinukuha nila ako bilang abogado ni “Bikoy” tapos tatanungin nila kung “updated” ang lisensiya ko bilang abogado?”
Kaya naman, hindi raw siya pumayag na maging abogado ni “Bikoy”.
Samantala, para raw magmukhang may legal na basehan si “Bikoy” sa kanyang mga akusasyon, sa headquarters na lang daw ng Integrated Bar of the Philippines ginawa ang “press conference” kung saan ipinagpipilitan pa nito noon na totoo ang kanyang akusasyon sa pangulo at mga anak nito.
Matatandaang, walang sumalong abogado ng IBP kay “Bikoy”. Wala ring umaamin kung paano siya nakapasok sa IBP at ginamit ang pasilidad doon.
Katapusan na talaga ni Trillanes, siguradong sa kulungan ang bagsak niya at malamang, doon na lang siya mag-iingay.





Comments