Faeldon, patung-patong na ang kapalpakan, hindi pa rin tsinutsugi

BAKIT hanggang ngayon, nagtatrabaho pa rin sa gobyerno si BuCor Chief Nicanor Faeldon? Napakarami na niyang kapalpakan, para siyang peste na hindi mawala-wala.
Matatandaang, siya ang dating hepe ng Bureau of Customs (BoC) nang masangkot ito sa kontrobersiya kung saan napabalitang nalusutan ang ahensiya ng P6.4 bilyon na iligal na droga (shabu).
Kinasuhan din siya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay nito.
Dahil kontrobersiyal ang kanyang pamumuno sa Customs, inilipat siya sa Bureau of Corrections (BuCor), pero imbes na ayusin ang trabaho, sumabit na naman si Faeldon sa panibago at napakalaking iskandalo.
Pumirma diumano si Faeldon ng memorandum of release para maumpisahan ang proseso ng pagpapalaya kay dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez, convicted rapist at murderer na napan ng reclusion perpetua o pagkakakulong ng 30 hanggang 40 taon.
Ngunit, dahil sa mga batas na nilagdaan ni dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III na Republic Act 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA), nagkaroon ng “butas” para makalaya ang dating alkalde.
Gayunman, dapat ginamit pa rin ni Faeldon ang kanyang maliit na utak para harangin ang pagpapalaya sa aswang na tulad ni Sanchez. Pero, may kukote nga ba si Faeldon? Tila ang bawat gawin niya ay kilos-katangahan o kunwari lang engot para makalusot sa mga “milagro”?
Ayon sa Department of Justice, hindi umano ipinaalam ni Faeldon sa DOJ ang pagpapalaya kay Sanchez. Hindi rin umano siya humingi ng abiso mula sa boss niyang si DOJ Secretary Menardo Guevarra.
Bakit ang lakas ng loob ni Faeldon na magdesisyon, feeling ba niya, siya ang pangulo ng bansa? Tapos gumawa pa ito ng kuwento at sinabing gusto raw talaga niyang pigilan ang pagpapalaya kay Sanchez, pero may nagbabala raw sa kanyang kakasuhan siya sa korte.
Ano naman kung kasuhan siya, wala ba siyang b—y—g? Nagpalusot pa ang dating marino na mahilig magkudeta! (Sa Oakwood at Peninsula, noong 2003 at 2007).
Sa interbiyu kamakailan, ipinagmalaki pa ni Sanchez na may release papers na raw siya. Hindi na nga raw siya binibilang sa mga binibigyan ng pagkain sa Bilibid, pwe!
Iniatras lang ng BuCor ang pagpapalaya kay Sanchez nang pukulan sila ng kaliwa’t kanang batikos ng taumbayan, lalo na ng pamilya ng mga biktima na lubos na nasasaktan sa kontrobersiyang ito. “Nasaan ang hustisya sa ating bansa?” Tanong ng ina ni Eileen Sarmenta na si Mrs. Maria Clara Sarmenta.
Pangulong Rodrigo Duterte, hanggang kailan ninyo titiisin si Faeldon? Itigil na ninyo ang pag-recycle sa kanya, plis lang!





Comments