ni Jersy Sanchez @Gulat ka 'noh?!

Nakasanayan na natin na ang stress, depresyon at anxiety ay kadalasang nakukuha sa sobrang pagtatrabaho, problema sa buhay at sa mga negatibong nangyayari sa ating kapaligiran.
True naman ‘yun, mga beshies. Pero alam ba ninyo na ang mga nabanggit ay puwedeng makuha kung hindi maganda ang kondisyon ng gut o tiyan? Weh? Paano nangyari ‘yun?
Base sa bagong pag-aaral, ang koneksiyon ng utak at digestive system ang responsable sa pagkakaroon ng mental health issues. Ito ay dahil bukod sa utak, ang gut o tiyan ay natatanging parte ng katawan na may 500 million neurons. Ang mga neuron na ito ay konektado sa utak sa pamamagitan ng nervous system.
Ayon kay Dr. Melvin Look, director ng PanAsia, ang “second brain” o mas kilala bilang enteric nervous system (ENS) ay mayroong network ng dalawang manipis na layers kung saan mayroong higit 100 million nerve cells na naglilinya sa gastrointestinal tract mula sa esophagus papunta sa rectum. Sey ng mga expert, kayang makipag-communicate ng gut sa ‘big brain’ na mayroong malaki at malakas na epekto.
Sa loob ng matagal na panahon, naniniwala ang mga researcher at expert na ang anxiety at depresyon ang ilan sa mga sanhi ng problema sa tiyan. Pero base sa ilang pag-aaral, napag-alaman na nagkakaroon ng anxiety at depresyon kapag hindi maganda ang gut health.
Gayunman, ayon kay Dr. Look, nangyayari umano ito dahil sa ‘gut-brain connection’. Paliwanag niya, nati-trigger nito ang anxiety at depresyon, gayundin, nakaaapekto ito sa psychiatric at neurologic disorders tulad ng Alzheimer’s disease, Parkinson’s disease, autism spectrum disorders at schizophrenia.
Dahil dito, ang mga indibidwal na may Irritable Bowel Syndrome (IBS) o ‘yung hindi magandang kondisyon ng tiyan na dahilan ng pagtatae, pananakit at pagtigas, pagiging bloated, at iba pa ay kadalasang nagkakaroon ng depresyon at anxiety.
Ayon sa mga eksperto, maaari itong maiwasan kung mapananatiling maganda ang kalagayan ng tiyan. Pero ang tanong, paano? Anila, ang mga pagkain na may espesipikong strains ng bakterya ay nakatutulong para mag-iba ang mood at kalusugan.
Dagdag pa ng mga ito, ang mga pagkain na maaaring magsilbing probiotics tulad ng yoghurt, kimchi at natto (Japanese fermented soybeans) ay makatutulong para dumami ang good bacteria sa bituka, gayundin para mapanatili ang ‘happy gut’.
Ang mga pagkain na mabuti para sa ‘gut-brain link’ at makatutulong para mapanatili ang good bacteria ay Omega-3 fats mula sa isda tulad ng sardinas at oyster, high-fiber whole grains, nuts, fruits, vegetables at plant-based food tulad ng cocoa, green tea, coffee at olive oil na may polyphenols.
Gayunman, ang pagmomonitor sa ating stress level at emosyon ay kasing-importante ng pagkonsumo ng good food.
Wow, hindi lang pala ang nakapaligid sa atin ang dapat nating bantayan kundi maging ang mga kinakain din natin.
Ngayong alam na natin ang koneksiyon ng mental health at digestive system, make sure na magiging maingat na tayo sa mga kakainin natin, ha?
Copy?