Dengue at leptospirosis, hindi pa solb, polio naman ngayon!


BUKOD sa dengue at leptospirosis, isa sa mga tinututukan ngayon ng gobyerno ay ang polio.
Ayon sa Department of Health (DOH), posibleng bumalik ang nasabing sakit na huling naitala sa Pilipinas noong 2000.
Ito ay kasunod sa pagbaba ng bilang ng mga nabakunahan kontra polio na isang nakahahawang sakit na dulot ng poliovirus na nakaaapekto sa utak at spinal cord ng indibidwal. Kadalasan ding biktima ng sakit ang kabataan.
Kumakalat ito dahil sa kontak sa mga tao. Maaari rin itong kumalat sa pagkain o inumin na kontaminado ng dumi ng may impeksiyong tao. Kaugnay nito, nagsagawa na ng synchronized polio vaccination sa mga batang edad 5 pababa. Sinimulan ito noong Agosto 19 hanggang 31 at gagawin sa buong Metro Manila at sa iba pang mga rehiyon ngayong Oktubre at Nobyembre.
Panawagan sa mga magulang ng tinatayang nasa 6.8 milyong kabataan, bumalik sa bakuna dahil ito ang best preventive measure laban sa polio. Kailangang makumpleto ang tatlong doses ng Oral Poliovirus Vaccines (OPV) sa mga batang under one-year old at one dose ng Inactivated Polio Vaccine (IPV).
Ayon pa sa pamunuan ng DOH, ang Pilipinas ay nahaharap sa bantang mawala ang Polio-Free status dahil sa pagbaba ng OPV coverage nito. Ang Pilipinas ay Polio-Free Country sa loob ng 19 taon.
Hindi maitatanggi na matapos ang kontrobersiya sa Dengvaxia, talagang may mga magulang ang takot nang pabakunahan ang kanilang mga anak lalo na at hanggang ngayon ay wala pang malinaw na kasagutan sa napakaraming tanong.
Gayunman, ang polio ay nakamamatay at nakababaldadong sakit, huwag sana natin itong dedmahin.





Comments