top of page
Pokwang.jpg

Sasakyan sa EDSA, parami nang parami, solusyon sa trapik, ubos na ubos na!

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 1, 2019
1 min read

'BER’ month na! Magbaon na ng sobra-sobrang pasensiya at disiplina kung bibiyahe.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), tumaas ng five percent o 22, 054 ang bilang ng sasakyang dumaraan kada araw sa EDSA sa unang walong buwan ng taon kumpara sa kaparehong panahon noong 2018.

Mula umano sa average na 383,828 sasakyan noong nakaraang taon, pumalo na sa 405,882 ang sasakyan sa EDSA kada araw nitong Agosto. At ngayong pumasok na ang ‘ber’ months hanggang sa Disyembre, inaasahang tataas pa ng 20 percent o aabot sa 487,058 ang bilang ng mga sasakyan.

Pinakamataas ang nadagdag sa bilang ng mga motorsiklo na pumalo sa 110,167 kumpara sa average na 86,082 noong 2018, mas mataas ng 27.98 percent o 24,085.

Pinakamarami ang mga kotse sa EDSA na pumalo na ngayon sa 255,732 na tumaas ng 1.63 percent mula sa 251,628 daily average noong 2018.

Tumaas naman ng 11.65 percent ang bilang ng city buses matapos sumampa sa 2,166 mula sa 1,940 noong nakaraang taon. Sa madaling salita, ‘yung grabeng trapik, mas titindi pa!

Sa ngayon, wala pang naiisip na bagong solusyon ang ahensiya. Tila naubusan na rin sila ng paraan kung paano masosolb ang problema sa kalsada matapos palagan ang ‘single bawal sa EDSA’ at provincial bus ban.

Hindi rin bumenta ang panukala ng mga inhinyero na umani ng samu’t saring reaksiyon ang hirit na one way sa EDSA na sinasabing malayo sa katotohanan.

Habang wala pang napag-aaralang bagong solusyon o proposal, ipagpatuloy lang natin ang pagsunod sa mga batas-trapiko at makiisa sa clearing operations.

Walang ibang kikilos para rito kundi tayo ring mga motorista, tayong taumbayan na tayo rin ang apektado.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page