Batang pinoy boxers vicera at potot, impresibo sa abap


NAKAHUBOG ng future champion sa boksing ang Lucena City sa Batang Pinoy boxing competitions na ginanap bago ang closing ceremony sa Mendoza Park sa Puerto Princesa City, Palawan.
Sumungkit ng 2 gold medal para sa Tagalog delegation si John Wayne Vicera, pamangkin ni Isidro Jr. na lumaban noong 1992 Barcelona Olympics. Dinomina ni John Wayne, mala- Floyd Mayweather ang estilo ang pambato ng Cagayan de Oro ang split decision win sa flyweight title (50kg).
Nasaksihan ni Alliance of Boxing Associations of the Philippines secretary General Ed Picson ang bakbakan ng mga bata at maging nina scouting coach Gerson Nietes. Inamin ni Picson, communications director ng Philippine Olympic Committee (POC) na naghahanap ang ABAP ng magiging bagong miyembro ng national training pool.
Nakakuha rin ng atensiyon sa ABAP si lightweight (60kg) champion Michael Potot ng Bobon, Leyte, na nagwagi via Referee-Stopped-Contest sa first round. Na-impress din si Picson kay Geovane Rosalia ng Murcia, Negros Occidental matapos talunin sa first round si Filjun Saiden ng Panabo sa bantamweight (54kg).
Wagi rin ng gold light-flyweight (48kg) Bienjemar Godoy at girls light flyweight Pathricia Mae Sumalinog ng Cebu City. Ipinakita ni Godoy ang angking abilidad sa counter-punching upang payukurin si John Paul Napoles ng GenSan.
Muling nasungkit ng Baguio City sa pangatlong pagkakataon ang overall championship title. Humakot ang Baguio ng 61 gold, 45 silver, 66 bronze na sinundan ng Cebu City na may 34-34-29 (G-S-B) habang hawak ng Davao City (31-24-37) ang 3rd place. Naibulsa ng Laguna province at Quezon City ang 4th at 5th place, ayon sa pagkakasunod.
Nanaig ang Cebu City sa triathlon at duathlon kung saan si James Carlo Flores ng Talisay Cebu ang nakaginto sa Duathlon hawak ang 24:37 para sa boys 11-12. Ginto rin si Matthew Justine Hermosa sa boys 13-15 (33:22).
Sa basketball, pinadapa ng Dasmariñas Cavite ang Bataan sa 101-85, upang kunin ang gold medal habang nanaig ang LGU sa chess nang maka-gold sina Jerlyn Mae San Diego at Mark Jay Bacojo sa blitz 13 to 15 years old category. Tatlong ginto ang naibulsa ni San Diego, na naghari sa rapid at premier standard events. (MC / ATD)





Comments