Para iwas-lugi... MGA TAMANG DISKARTE SA PAGTATAYO NG NEGOSYO
- Jersey Sanchez
- Aug 21, 2019
- 2 min read

HINDI biro ang pagnenegosyo dahil ‘ika nga nila, maihahalintulad ito sa pagsusugal dahil hindi mo masisiguro ang kalalabasan nito. Kaya bukod sa tiwala at lakas ng loob, kakailanganin mo rin ang puhunan at kaalaman kung paano ito pauunlarin. Kaya para sa mga new business owner diyan, maliit o malaki man ang negosyo ninyo, narito ang ilang budgeting tips para sa inyo:
1. GUMAWA NG REALISTIC BUDGET. Una sa lahat, dapat magkaroon ng makatotohanang budget para ma-manage nang tama ang finances. Hindi masamang maging matipid o wais sa expenses pero, huwag nating paabutin sa punto na halos wala na tayong mabili o hindi na maganda ang kalidad ng supplies dahil sobrang tinipid. Mga besh, hindi porke may kinalaman ito sa paggastos, eh, dapat na kayong matakot. Think positive lang!
2. LISTA IS LIFE. Hindi lang sa pagba-budget dapat maglista, besh! Halimbawa, namili ka ng supplies o sangkap ng ibebenta mong meryenda, dapat nakalista lahat ng expenses mo mula sa pamasahe, gas, ingredients at iba pa. Wala kang dapat kalimutan dahil magdudulot ito ng pagkalito kapag nag-compute ka na.
3. MAG-SET NG PRIORITIES. Dapat unahin ang expenses na hindi puwedeng ikompromiso. Halimbawa, kung may inuupahan kang puwesto, gawing priority ang pambayad ng renta, utilities at sahod ng mga empleyado. Gawin itong prayoridad dahil ito ang pundasyon ng negosyo mo. Copy?
4. BE FLEXIBLE. Okay lang na baguhin ang budget, lodi! Ang kagandahan sa pagba-budget at paglilista ay mas madaling nakikita kung saan ka nagkukulang o sumusobra, kumbaga, nakikita kung saan puwedeng mag-adjust. Kapag napapansin mong lumiliit ang kita o lumalaki ang gastos, baka kailangan mo nang mag-adjust ng budget.
5. MAGHANDA PARA SA EMERGENCY. Tulad sa ating tahanan, dapat magkaroon din ng emergency fund pagdating sa negosyo. Paano kung biglang may nasirang makina o gamit tulad ng aircon o ref? Para hindi magalaw ang kita ng negosyo, maglaan ng emergency fund para sa ganitong uri ng sitwasyon.
Totoo na malaking risk ang pagnenegosyo, pero worth it ito kung positibo ang magiging resulta. ‘Yun ay dahil malaking factor ang tamang diskarte sa pagba-budget.
Gayunman, huwag kayong susuko nang basta-basta, ha?
Good luck, mga ka-Bulgar!




Comments