Pagpabor ng gobyerno sa pag-import ng bigas, pagpatay sa mga magsasaka ang kapalit
- BULGAR

- Aug 21, 2019
- 2 min read
MULI akong naglakbay patungong Santiago, Isabela noong ika-14 ng Agosto. Bandang alas-2:00 ng madaling-araw sa pagitan ng Santa Fe at Aritao nang bigla akong nagising. Hinawi ko ang kurtina upang tingnan ang daan, mabagal ang takbo ng bus dulot ng matinding trapik.
Sa pagkakataong ‘yun, hindi maganda ang aking pakiramdam na parang nahihilo at nasusuka na hindi maintindihan. Sa hirap na aking dinaranas, paulit-ulit akong nagtatanong sa aking isipan, “Gaano pa ba kalayo ang aking lalakbayin? Gaano pa kalayo ang Santiago, Isabela?”
Naghalu-halo na ang mga damdamin at pakiramdam ng pagkainip, pagod at hirap sa aking kalooban at tulad ng aking pagtatanong tungkol sa tagal ng biyahe, kailangan din nating itanong kung bakit habang tumatagal, tila parami nang parami ang mga problemang hindi nalulutas kaysa sa nabibigyan ng solusyon?
Ano ba ang ugat ng dumarami at lumalalang problema tulad ng kriminalidad, kakulangan ng trabaho, kahirapan at iba pa? Ang taumbayan ba laban sa mga lider ng bansa? Bagama’t, kasali ang mamamayan sa lumalalang problema, hindi sa kanila maibibintang ang buong sitwasyon. Hindi taumbayan ang gumagawa ng desisyon na nagsisimula sa mga panukalang-batas. Hindi taumbayan ang gumagawa ng presidential orders.
Isa sa pinakamalaking pinagmumulan ng palay ang Isabela ngunit malungkot ang maraming magsasaka roon dahil sa ipinasang batas sa Senado na in-sponsor ni Sen. Cynthia Villar. Sa Rice Tariff Law, tinatanggal ang maraming taripa laban sa pag-angkat ng bigas upang mapadali ang pagpasok ng bigas mula sa ibang bansa. Kaugnay nito, lilikha raw ito ng P10-billion Rice Competitiveness Enhancement Fund.
Ano ba ang uunahin ng pamahalaan, tulungan ang mga magsasaka upang gumanda ang produksiyon ng palay at kikitain mula rito o ang pagpayag ng malayang pagpasok ng iniaangkat na bigas? Dahil madali na lang umangkat ng bigas, maraming negosyante na mayroong malaking pondo ang mag-uunahan na maging “rice importer”. Hindi ba, ito mismo ang tinatawag na Liberal Capitalism na mas nagpapayaman sa mga mayayaman at nagpapahirap naman sa mga mahihirap?
Kapag nawala ang bigas sa hapag-kainan dahil hindi natin kayang labanan ang pagdagsa ng “imported rice”, baka hindi lang kagutuman ang ating maramdaman.
Kaya sa ating mga mambabatas, mahal na mamamayan, gaano pa katagal ang ating lalakbayin?





Comments