Tiktik gang, gumagala para magnakaw sa mga bahay
- BULGAR

- Aug 20, 2019
- 1 min read
NAKATANGGAP tayo ng impormasyon mula sa mga nakausap nating alagad ng batas na namamayagpag at gumagala ang grupo ng mga kawatan na binansagang Tiktik Gang matapos masakote ang diumano’y lider nito sa Marikina City.
Ayon sa impormasyon, limang dorobong kalalakihan ang nagkukunwaring nangangalakal o namumulot ng basurang puwedeng mapakinabangan para maibenta pero ang talagang sadya ng mga hinayupak na ito ay ang maniktik sa bahay na walang tao na madali nilang pasukin para nakawan.
Dagdag pang impormasyon, tinitiktikan nila ang bahay at kapag na-clear o nasiguro nilang walang tao ay saka nila ito papasukin para pagnakawan.
Nakilala sa alyas Samuel o alyas Boy Baba ang nahuling lider matapos ang isinagawang surveillance operation ng kapulisan at napag-alamang labas-pasok na rin ito sa kulungan.
Mga ka-BULGAR, kapag nakakita kayo ng mga nagkukunwaring nangangalakal sa inyong lugar, ‘wag kayong basta makampante, obserbahan at pakiramdaman ninyo ang kanilang galaw dahil baka mabiktima kayo ng mga hinayupak na ito na kasalukuyang gumagala kahit nahuli na ang kanilang lider. Walang oras at araw kung sumalakay ang masasamang elemento ng lipunan. Agad ipagbigay-alam sa awtoridad kapag may napansing mga kahina-hinalang tao sa inyong lugar.
Ikaw kaibigan, ano ang sey mo?
Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments