Impeksiyon sa bituka at sobrang pag-inom ng alak, dahilan din ng pagtatae
- BULGAR
- Aug 19, 2019
- 2 min read

Dear Doc. Shane,
Madalas akong nakararanas ng pagtatae o diarrhea. Hindi ko alam kung dahil ito sa tubig na iniinom ko sa karinderya. Sa field ako nagtatrabaho kaya sa mga ganitong kainan ako kumakain. Ano ba ang mabisang inumin para hindi ito magpabalik-balik?

Sagot
Ang pagtatae o diarrhea o loose bowel movement (LBM) ay sakit na tumutukoy sa matubig o malambot na pagdumi. Maraming dahilan kung bakit nakararanas ng pagtatae ang tao, maaaring ito ay dahil sa nakain o impeksiyon at iritasyon sa large intestine. Maaari ring dahil sa seryosong sakit. Ang pagkakaroon ng diarrhea ay maaaring magdulot ng dehydration at panghihina ng katawan, lalo na kung mapababayaan.
Ano ang sanhi ng pagtatae o diarrhea?
Impeksiyon ng bacteria sa bituka na maaaring dahil sa pagkaing marumi o panis na
Impeksiyon sa mga organismo o parasitiko tulad ng amoeba
Iba pang sakit sa bituka tulad ng Crohn’s Disease at Ulceratice Colitis o kanser
Nakalipas na operasyon o gamutan sa tiyan
Diabetes
Sobrang pag-inom ng alak
Sobrang pag-inom ng mga gamot
Ano ang gamot sa diarrhea?
Kung nararanasan ito, pero walang kasamang kumplikadong sintomas, maaaring hayaan lamang ito sapagkat kusa itong mawawala. Maaaring sabayan ng gamot tulad ng loperamide upang mabawasan ang pagtutubig ng dumi at maibalik sa normal ang galaw ng mga bituka.
Ang mga gamot na ito ay mabibili ng over-the-counter sa mga botika at hindi nangangailangan ng reseta ng doktor. Dapat panatilihing may tubig ang katawan kaya makabubuti ang pag-inom ng sapat na tubig, mainit na sabaw at iba pang health drink tulad ng pocari sweat upang maiwasan ang dehydration. Dapat nating malaman na bukod sa tubig, may mga elemento rin na nawawala sa katawan habang nagkakaroon ng diarrhea. Gayundin, ang “Oral Rehydration Salts” (ORS) ay may taglay na tubig at elementong kailangan ng katawan.
Comments