Agosto, buwan ng mga martir
- BULGAR

- Aug 17, 2019
- 2 min read
DUMAAN ang dalawang linggo kung saan ipinagdiwang ng Simbahan ang buhay ng dalawang banal na martir na sina Santa Benedikta ng Krus (dating Edith Stein) at San Maximilian Kolbe (dating Raymund).
Dating Hudyo si Edith Stein, edad 14 siya nang nawalan ng pananampalataya. Matalino at nag-aaral siya ng pilosopiya at antropolohiya noon sa ilalim ng dalawang kilalang propesor na sina Edward Husserl at Max Scheler. Habang nag-aaral ito, natuklasan niya ang aklat na isinulat ni Santa Teresa. Nang matapos niya itong basahin, namulat ang kanyang mga mata at muling nagbalik ang kanyang paniniwala sa Diyos.
Nagpabinyag siya sa Katoliko at pumasok sa Carmelita ng Cologne, Germany. Dahil sa mura niyang edad, hindi siya pinahintulutan ng mga pari. Nagpatuloy na magpakadalubhasa si Edith at nagsimulang magturo. Dahil magaling siya, inirekomenda siya ni Edmund Husserl na maging regular na propesor na hindi nangyayari sa mga babae noon.
Ito ang panahong kung saan naging pinuno ng Germany si Adolf Hitler, nagkaroon ng Aryan Law na nagbawal sa mga Hudyo na magkaroon ng mahalagang posisyon at propesyon sa lipunan. Nagpasyang pumasok sa kumbento si Edith, siya ay naging si Sor Benedikta ng Krus. Nanganib ang buhay nito dahil sa kanyang pagiging dating Hudyo pero, hindi siya natakot.
Itinago siya ng mga madre sa kanilang kumbento sa Etch, Holland at dito rin siya hinuli noong 1941 kasama ng kanyang kapatid na si Sor Rosa. Dinala ang dalawa sa Auschwitz, Poland at dito sila pinatay sa pamamagitan ng “gas chamber” noong ika-9 ng Agosto, 1941.
Ganundin ang sinapit ni Fr. Maximilian Kolbe noong ika-14 ng Agosto, 1942. Dahil sa may mga presong nakatakas, nagalit ang deputy commandant na nagpasyang patayin sa gutom ang sampung preso. Gayunman, nagmakaawa ang isang lalaki na huwag siyang patayin dahil mayroon siyang asawa at anak. Sa awa, nagprisinta si Fr. Kolbe na pumalit sa lalaki. Pumayag ang commandant at pagkaraan ng dalawang linggo, namatay sa gutom at uhaw ang siyam na kasama ni Fr. Kolbe. Sa buong panahong nakakulong si Fr. Kolbe, ito ay nagdasal at nangaral upang huwag mawalan ng pag-asa ang kanyang mga kasama.
Dalawang matatapang na Katoliko ang inusig at pinatay noong panahon ni Hitler kasama ng napakaraming inusig. Maraming uri at antas ng pag-uusig na nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Kaya magandang pagnilayan natin ang buhay ng mga banal na martir tulad ni Santa Benedikta ng Krus at San Maximilian Kolbe. Ito ang ilan sa kanilang mga sinabi, “Hindi natin maaaring hanapin ang kalayaan sa krus kung tayo ay pinili para sa krus. Kung ating gagawin ang hinihingi sa atin ng Diyos ng buong pagsuko ng ating kalooban, ganap na magiging bahagi ng ating kalooban ang buhay ng Diyos. Matatagpuan natin ang Diyos sa pagpasok natin sa ating kalooban.” (Santa Benedikta ng Krus OCD)
“Noong gabing ‘yun, tinanong ko ang ina ng Diyos kung ano ang mangyayari sa akin. Ipinakita niya sa akin ang dalawang korona, isang puti at ang ikalawa ay pula. Tinanong niya kung ano ang nais kong piliin. Ang koronang puti ay ang paanyayang manatiling malinis at ang pula ay ang maging martir. “Nais ko ang dalawa,” sabi ko sa kanya.” (San Maximilian Kolbe Ofm Conv.)





Comments