Miss U, todo-suporta sa mga bakla… NETIZENS KAY CATRIONA: PA'NO NAMAN ANG KARAPATAN AT PRIVACY
- BULGAR

- Aug 16, 2019
- 3 min read
Anj Cabilla / PAK ANG GANAP

MATAPOS ang nangyari sa transwoman na si Gretchen Diez na ipinahiya, kinaladkad, pinosasan at inaresto dahil sa paggamit ng CR na pambabae sa Farmers Plaza sa Quezon City, umapela si Miss Universe 2018 Catriona Gray para sa agarang pagsasabatas ng SOGIE (Sexual Orientation and Gender Identity and Expression) Bill.
Marami ring mga celebrities ang nagpahayag ng kanilang pagsuporta kay Gretchen kabilang na sina Vice Ganda, Ice Seguerra, Bianca Gonzalez, Heart Evangelista Frankie Pangilinan at Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.
Layunin ng SOGIE Equality Bill na mabigyan ng proteksiyon ang mga LGBTQ+ community kontra sa diskriminasyon.
Sa Instagram post ni Catriona kahapon (August 15), sinabi niyang dahil sa sinapit ni Diez, lalo pang kailangang maisabatas at maipatupad na ang SOGIE Bill.
Ani Catriona, “Last night’s incident involving a transgender woman being prohibited from using the woman’s washroom and resulting in being escorted off premises in handcuffs by local police only highlights further, the Philippines need for implementation of the #SOGIEEqualityBill.
“LGBTQ+ rights are HUMAN rights - mga karapatang pangkaligtasan at kalayaan mula sa diskriminasyon, karahasan at pagmamalupit batay sa pagkakakilanlan.”
Ayon kay Catriona, “walang saysay” ang ordinansang kontra-diskriminasyon na ipinatutupad sa Quezon City dahil naganap pa rin ang insidenteng tulad ng nangyari kay Gretchen Diez sa lungsod.
“The incident happened in a city that has an existing anti-discrimination bill.
“Ibig sabihin, walang saysay ang isang bill na hindi maipatupad sa isang komunidad,” pahayag ni Catriona.
Iginiit din ni Catriona sa kanyang post na kailangan pang paigtingin ang awareness campaign upang higit na maunawaan ng publiko ang komunidad ng LGBTQ+.
Aniya, “Kasabay ng hinihinging pagpasa ng #SOGIEEQUALITYBILL, dapat din tayong humiling ng mga sumusunod bilang isang komunidad:
“1. Accessible forms of information for the public such as educational drives, programs and awareness campaigns’: para mas maintindihan natin ang mga pangangailangan ng LGBTQ+ community at para malaman natin ang mga bagay na maaari pa nating magawa bilang mga kaalyado o mga taong may awa sa kapwa (black heart emoji).
“2. A SOGIE workplace policy: para sa lahat ng mga pampublikong tagapaglingkod at mga taong may impluwensiya sa komunidad.”
Kasunod nito, binigyang-diin ng ikaapat na Pinay Miss Universe na walang sinuman — anuman ang gender preference — ang “dapat na makaranas ng anumang uri ng pagpapahiya at pang-aabuso.”
Apela ni Catriona, “Gusto ko ring pagtuunan natin ng pansin ang katotohanang wala dapat makaranas ng anumang uri ng pagpapahiya at pang-aabuso (emotional, physical o sexual), LGBTQ+ man o hindi.”
Ipinagdiinan din ni Catriona na hindi tama ang victim blaming, at importanteng mapanagot ang may kasalanan.
“The whole argument of shifting the blame to the victim for reasons of being trans to justify abuse - is still victim blaming and IS NOT RIGHT.
“The blame should be on the perpetrators who should be held accountable and corrective actions should be taken (in last night’s case - points one and two above could greatly help prevent future similar incidents from happening).
“Ang LGBTQ + ay nakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan - ang karapatan sa kaligtasan, proteksiyon at pagkakapantay-pantay - ay laban din natin. (rainbow flag emoji) #SOGIEEqualityNow.”
Samantala, kung marami ang sumuporta sa naging pahayag ni Catriona, hindi rin mawawala ang hindi pabor sa isinusulong ng Miss Universe 2018.
Ayon sa mga netizens na nagkomento sa post ni Catriona, mahalaga ring isulong ng beauty queen ang karapatan at privacy ng mga kababaihan. Marami raw kasing mga babae ang hindi komportable na makasama sa restroom ang isang transwoman dahil lalaki pa rin ito in nature.
Posible raw kasing makompromiso ang kaligtasan at privacy ng mga kababaihan, partikular na ang mga batang babae kung may rapist na magpanggap bilang transwoman upang makapambiktima.
Kaya ang suhestiyon ng iba, sana ay magkaroon ng isa pang comfort room na malayang magagamit ng mga miyembro ng LGBTQ+ community.





Comments