PANGIL NG BULLDOGS, HINASA; NEW RECRUIT NA SI HAYES, IUUMANG
- BULGAR

- Aug 15, 2019
- 1 min read

NAGHAHANGAD na pahabain ang kanilang record na winning streak at mapanatili ang kanilang titulo kaya pinalakas pa ng National University Lady Bulldogs ang kanilang koponan para sa darating na UAAP Season 82 Women’s Basketball Tournament.
Kinuha ng reigning 5-time champions para lumaro sa kanila sa darating na UAAP season ang dating UCLA Bruin at Gilas Pilipinas pool member na si Kelli Hayes.
Ang naturang pangyayari ay naunang kinumpirma ni NU Lady Bulldogs coach Patrick Aquino sa Tiebreaker Times.
May taas na 6-foot-flat, ang 24-anyos na guard ay naglaro ng apat na taon sa UCLA at naging miyembro ng NCAA’s Elite Eight sa kanyang junior year. Nagtala siya ng career averages sa UCLA na 4.5 puntos, 2.5 rebounds, at 1.0 assist per game.
Nagtapos na ng degree sa Gender Studies, eligible si Hayes na maglalaro sa UAAP sa ilalim ng ‘Troy Rike-rule’.
Inaasahan ni Aquino na agad makakapag-adjust si Hayes sa kanyang one-on-one stint sa estilo ng laro dito sa Pilipinas.
“Kelli will help our team by being one of the leaders of our squad. She will also provide the energy that we may lack,” pahayag ni Aquino tungkol kay Hayes na nag-average ng 8.6 puntos, 3.4 rebounds, at 1.6 assists sa nakaraang Jones Cup.
“Vice versa, also. This will help Kelli know how we play locally and stay longer here and practice with Gilas for the SEA Games,” dagdag ni Aquino. (VA)





Comments