Kesa magsayang ng oras at pera, besh... 5 SIGNS NA DAPAT NANG MAG-SHIFT NG KURSO

MARAMING aspeto ang nakaaapekto sa tao, lalo na sa career na pinili nito tulad na lang ng kurso sa kolehiyo na isa sa mga mabigat na desisyon na gagawin ng mga high school student. Karamihan sa mga college student ang nagkakamali dahil hindi napag-iisipang mabuti ang desisyon, mayroong pinili lang ang kurso dahil sa inaakalang madali o maraming pera sa career na ‘yun, pero sa huli, mare-realized niyang parang may mali.
Well, kung sinisimulan mo nang tanungin sa sarili mo o nag-aalangan ka tungkol sa pagbabago ng iyong kurso, pag-isipan muna ito, narito ang ilang senyales na makatutulong sa iyo:
1. HINDI NA MAGANDA ANG LAGAY NG GRADES MO. ‘Yung tipong tuwing may quizzes at exam kayo, palagi ka na lang bagsak. Palagi mong sinasabi na babawi ka next time, pero wala pa ring improvement. Sabi nila, kung gusto mo ang ginagawa mo, gaanuman ito kahirap, magagawa mo pa rin.
Kapag napansin mong wala ka nang gana at lumalagapak na ang grades mo, marahil senyales na ito na mali ang kursong kinuha mo.
2. NAPILITAN KA LANG NA KUNIN ITO. Marami sa mga college student ang nasa partikular na kurso dahil ito ang payo ng kanilang mga magulang, napag-trip-an lang ng barkada at iba pa tapos enrolled ka na nu’ng naisip mong wala pala rito ang puso mo o hindi ito ang iyong gusto.
3. HINDI KA NA MASAYA. Siguro noong una tulad ng ibang mga freshies, excited ka na ma-explore ang course mo, pero sa huli ay unti-unting tumatabang ang lahat. Marahil, kaya hindi ka na masaya ay dahil wala ka nang motibasyon.
4. INIIWASAN MONG PAG-USAPAN ANG TUNGKOL DITO. Kapag napag-uusapan ito o natatanong ka sa mga related na bagay tungkol dito, biglang nagbabago ang mood mo o nawawalan ka ng ganang makipag-usap kaya nagtse-change topic ka na lang.
5. MAS INTERESADO KA SA IBANG BAGAY KAYSA RITO. In short, hindi mo na priority, ‘yung tipong imbes na pumasok sa klase, mas gusto mo nalang mag-basketball, mag-computer games o mag-audition sa kung saan-saan kasi mas trip mo ‘yun kaysa sa mag-advance reading ka sa mga subject mo.
Kapag tumpak sa‘yo ang ilan sa mga senyales na nasa itaas, habang maaga pa ay gawan mo na ito ng paraan, kausapin mo ang iyong mga magulang o maglaan ka ng time para pag-isipan ang nagawang desisyon dahil kapag ipinagpatuloy mo ang bagay na alam mong napipilitan ka lang, pagsasayang lang ‘yun ng oras. Copy?





Comments