Buni, hindi lang sa tao, pati sa mga aso at pusa
- BULGAR
- Aug 15, 2019
- 2 min read

Dear Doc. Shane,
May mga tumutubong bilug-bilog na namumula at makati sa aking balat. Ito ba ang tinatawag na ringworm? Ano ang sanhi nito at ang puwede kong igamot dito? — Adrian
Sagot
Ang buni o ringworm ay sakit sa balat na tulad ng an-an na dulot ng fungal infection. Ito ay maaaring matagpuan sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula ulo hanggang paa. Sa paa, ito ay tinatawag na alipunga o athlete’s foot. Sa singit naman, ito ay tinatawag na jock itch. Sa terminolohiyang medikal, ang buni sa pangkalahatan ay tinatawag na dermatophytosis.
Ang buni ay karaniwan sa mga matatanda. Ayon sa pag-aaral, mahigit na 20% ng lahat ng tao sa mundo ay may buni. Ang mga hayop tulad ng aso at pusa ay maaari ring magkaroon ng buni.
Ano ang hitsura ng buni?
Ito ay bilug-bilog na patse ng balat (round skin patches), kulay pula na mas matingkad ang kulay sa palibot, bahagyang nakaangat sa balat.
Ano ang lunas para rito?
Tulad ng an-an, ang gamot sa buni ay fungal cream. Ang mga gamot na ito ay maaaring mabili sa “over-the-counter” o nangangailangan ng reseta ng doktor. Ipahid ang cream sa apektadong bahagi ng balat ngunit, mas maganda kung magagabayan ng dermatologist ang iyong paggagamot.
Halimbawa ng generic name ng anti-fungal cream ay ketoconazole, clotrimazole, terbinafine atbp.. Kalimitan, ito ay ipinapahid dalawang beses isang araw sa loob ng 1-2 linggo. Kapag malawak na bahagi ng balat ang apektado, maaaring mas praktikal na uminom na lamang ng anti-fungal medications.
Paano makaiiwas sa buni?
Panatilihing malinis ang katawan; palaging maghugas ng mga kamay at regular na palitan ang mga tuwalya, kumot at sapin sa kama upang makaiwas sa buni at iba pang mga sakit sa balat na dulot ng fungi at iwasan ding maghiraman ng damit.
Kumonsulta sa dermatologist o espesyalista sa balat kung hindi sigurado kung ano bang kondisyon ang nasa balat at kung hindi tumatalab ang mga antifungal cream laban sa buni, maaaring magreseta ang dermatologist ng mas matapang na cream o tableta.
Comments