top of page
Pokwang.jpg

Banta ng ISIS, paghandaan, ‘wag katakutan

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 13, 2019
1 min read

MARAMI ang naalarma nang kumalat sa social media ang isang alert memorandum kung saan nakasaad na may banta ng pag-atake ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa mga Lungsod ng Laoag, Vigan at Tuguegarao, gayundin sa bayan ng Manaoag sa Pangasinan.

Kaugnay nito, agad na nagtaas ng alerto ang mga awtoridad. Hinigpitan ang seguridad sa mga Simbahan, bus station, airport at iba pang pampubli­kong lugar. Kasabay nito ang panawagan na maging mapagmatiyag at alerto sa lahat ng oras.

Samantala, ipinauubaya na lang umano ng Simbahan sa mga awtoridad ang pangangalaga sa kaligtasan ng mga mananampalataya.

Kunsabagay, sa mga ganitong sitwasyon, bukod sa pagdarasal, kailangan din nating magtiwala sa mga taong mas nakaaalam ng dapat gawin.

Anila, obligasyon ng Simbahan na ipanalangin ang ating kaligtasan ha­bang ang gobyerno naman ang bahala sa pagbibigay-proteksiyon sa taum­bayan at bilang sibilyan, maaaring wala tayong sapat na kakayahan para lumaban sakaling nariyan na ang tangkang karahasan pero, ang pagiging responsableng mamamayan ay malaking tulong na.

Unang-una, mag-ingat sa social media. Kung tayo ay hindi sigurado sa mga post na nababasa, huwag itong i-share, lalo na kung magdudulot lang ng matinding takot. Fake news man o hindi, mas mainam na idiretso ito sa kinauukulan para maberipika. Pangalawa, bantayan ang isa’t isa. Tiyaking nasa ligtas ang pamilya at mga mahal sa buhay at pangatlo, tulad ng palaging paalala ng mga awtoridad, maging alerto. Kung may mga kahina-hinalang tao o bagay, agad itong ipaalam sa mga alagad ng batas.

Siyempre, mas okay sana kung wala itong mga tangkang panggugulo. Ma­rami nang buhay ang nasayang at wala namang magandang naidulot ang karahasan.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page