Iba na ‘yung may madudukot... TIPS UPANG MAGKA-EXTRA MONEY PARA SA EMERGENCY

Butas na bubong, sirang bintana at kung binaha, eh, nadadamay pa ang ibang kagamitan sa bahay. Ilan lamang ang mga ito sa karaniwang aberya na nararanasan natin tuwing tag-ulan kung saan kailangan itong masolusyunan kaagad. Pero, dahil hindi madaling magpa-repair kung walang perang nakalaan para rito, narito ang ilang diskarte para magkaroon ng emergency repair fund:
1. MAGTABI PARA SA EMERGENCY FUND. Ang pag-iipon para sa edukasyon nina bagets, pambili ng bahay o para sa retirement ay magandang move, pero dapat din tayong magkaroon ng hiwalay na ipon para sa emergency fund. Mahalagang magkaroon nito para sa mga hindi inaasahang pagkakagastusan tulad ng pagpapagawa ng bahay sa oras na tamaan ng sakuna. Kapag may emergency fund, mayroon kang magagamit na panggastos nang hindi nagagalaw ang ipon na nakalaan para sa ibang bagay.
2. SUNDIN ANG BUDGET. For sure, lahat tayo ay may kani-kanyang budget, pero ang tanong, nasusunod ba natin ito? Hmmm… nakai-stress mang gawin ang pagba-budget, kailangan natin ito para maka-survive sa bills at pang-araw-araw na gastusin. Gayundin, para makasiguradong hindi lalagpas sa nakatalagang budget, dapat natin itong sundin anuman ang tuksong lumapit sa atin. Disiplina lang, beshy! He-he-he!
3. ITABI ANG SUKLI. Ang mga barya na akala natin, eh, wala nang halaga ay maaaring magligtas sa atin. Paano? Itabi ang mga barya mula sa sukli sa jeep, grocery o palengke at simulan ang pag-iipon sa alkansiya. Habang patuloy mo itong ginagawa, hindi mo namamalayang puno na ang alkansiya mo at maaari na itong ilipat sa emergency fund. Maraming paraan para makapag-ipon, pero oks din kung sisimulan ito sa maliit na halaga dahil for sure, lalaki rin ito kapag ipinagpatuloy natin.
4. PERA SA BASURA. Isa sa mga dahilan ng pagbaha sa bansa ay ang tambak na basura sa mga estero. Puwede tayong makatulong na iwasan ito habang kumikita ng pera sa pamamagitan ng pagre-recycle. Simulan ito sa paghihiwalay ng nabubulok at hindi nabubulok at ang plastic bottles, garapon at diyaryo o mga papel ay ibenta sa junk shop. Nakatulong ka na sa kalikasan, nakaipon ka pa. Ayos!
5. BENTA PA MORE. May mga gamit sa bahay na hindi ginagamit? Hinay-hinay lang sa pagtatapon dahil baka puwede mo pang ibenta ang mga ‘yun, lodi! Puwede kang mag-set-up ng garage sale o gamitin ang internet para magbenta sa iba’t ibang buy-and-sell groups.
Sa ganitong paraan, hindi ka lamang nakapagbawas ng mga gamit, nadagdagan din ang emergency fund ninyo. Bukod sa appliances, puwede mo ring ibenta ang lumang libro, damit, laruan ni bagets at mga gamit sa kusina. Make sure lang na malilinis mo ang mga ito para maging kaaya-aya at mas mabilis na maibenta.
Mga momshie, hindi madaling mag-ipon pero mas mahirap ang walang madukot sa oras ng sakuna dahil hindi natin alam kung kailan ito mangyayari.
Ngayong tag-ulan, magiging panatag ang ating isipan kung makasisiguro tayo na ligtas ang ating tahanan.
Copy?





Comments