Puyat kanonood ng K-drama o kaiisip sa taong hindi ka iniisip? 5 TIPS PARA MANATILING FRESH KAHIT PU
- Justine Daguno
- Aug 10, 2019
- 2 min read

WALA na bang ipinagkaiba ang araw at gabi sa iyo dahil overtime is life ka? Palagi ka bang inaabot ng madaling-araw para lang matapos sa K-drama na pinanonood mo o puyat is real ka sa kaiisip sa taong hindi ka naman iniisip? Charot! Well, anuman ang dahilan mo, kung hindi mo talaga maiwasang magpuyat, narito ang ilang paraan para hindi maging haggard kahit palagi kang puyat:
1. IWASAN ANG MATATAMIS NA PAGKAIN. Karamihan sa atin, iniisip na okay lang kumain ng matamis dahil sabi nila nakagigising ang asukal, pero fake news ‘yan! Gaganahan ka lang saglit, pero kapag nawala na ang epekto nito ay mas bibigat ang katawan mo, magmumukha kang losyang at mas lalo kang aantukin. Dapat healthy food ang kainin mo tulad ng prutas, itlog, gulay at iba pa.
2. UMINOM NG KAPE. Pag-umpisa ng araw mo (anumang oras ‘yan), uminom ka kaagad ng kape. Nakatutulong ang caffeine upang bigyan ka ng sipa ng sigla, pero tulad ng alak, dapat moderate lang o huwag gawing tubig dahil tulad ng ‘sugar crash’ kapag nawala ang epekto ng caffeine, biglang babagsak ang energy mo.
3. LAKASAN ANG AIRCON. Kahit malamig ang panahon ngayon, maganda ang epekto ng pagbababad sa aircon, lalo na sa mga puyat dahil nakatutulong ito para mabawasan ang haggardness na kanilang tinataglay. Isa pa, pananatilihin nitong tama ang temperatura ng ating katawan. Tiis-ganda, ‘ika nga.
4. HUWAG MAG-STAY SA ISANG LUGAR. In short, gumalaw-galaw ka! Puwede kang maglakad-lakad, mag-wall push-ups o mag-jumping jacks pa! Sa totoo lang, maraming mini-workouts sa office ang puwede mong gawin. Ang importante, mapadaloy ang dugo mo para mabigyan ng sapat na oxygen ang iyong utak at hindi ka mukhang ngarag.
5. UMINOM NG MARAMING TUBIG. Easy lang ‘yan, walang hassle gawin at wala ka pang gagastusin! Kapag madalas tayong puyat, make sure na hindi ka kinukulang sa tubig. Hangga’t maaari ay uminom ka nang walo hanggang 10 baso ng tubig, araw-araw. Ito ay upang mapanatiling hydrated ang iyong balat para palaging maging makinis ang mukha.
Bagama’t, hindi maiiwasan ang magpuyat, huwag maging harsh sa sarili. Huwag magdamot ng sapat na tulog o pahinga dahil hindi tayo mananatiling bata at malakas. Kailangan ‘yan ng katawan para maging mas epektibo sa anumang bagay na pinagkakaabalahan mo, araw-araw.





Comments