Nalilito sa pagkakaiba ng Tagalog at Filipino? IBA‘T IBANG KAALAMAN TUNGKOL SA BUWAN NG WIKA

BAGAMA’T, Filipino ang wikang ginagamit at mas naiintindihan sa bansa, mayroon pa ring mga bagay na hindi malinaw para sa karamihan at hindi alam ng ilan. Gaano nga ba kalawak o kalalim ang ating kaalaman tungkol sa ating wika? Ngayong Agosto, ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika, kaya sabay-sabay nating dagdagan ang ating kaalaman tungkol sa selebrasyong ito:
1. MAY IBA PANG TAGAPAGTAGUYOD ANG WIKANG FILIPINO. Kilala si Manuel L. Quezon bilang Ama ng Wikang Pambansa, pero may isa pang tagapagtaguyod ang Wikang Filipino. Siya ay si Lope K. Santos, isang makata, nobelista, mamamahayag, lider-manggagawa at lingkod-publiko. Si Santos o Mang Openg ay kinikilalang Ama ng Baralira ng Wikang Filipino.
2. NAGSIMULA ITO SA LINGGO NG WIKA. Idineklara ni Pangulong Sergio Osmeña ang pagdiriwang ng Linggo ng Wika. Mula 1946 hanggang 1954, ginugunita ito mula ika-31 ng Marso hanggang sa ika-2 ng Abril alinsunod sa Proklamasyon Blg. 35. Abril 2 ang napili dahil ito ang kaarawan ng Tagalog na manunulat na si Francisco Balagtas. Noong 1954, ito ay iniusog ni Pangulong Ramon Magsaysay sa ika-29 ng Marso hanggang sa ika-4 ng Abril.
Nang sumunod na taon, inilipat ni Pangulong Magsaysay ang selebrasyon sa ika-13 hanggang sa ika-19 ng Agosto sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 186. Ayon kay Pangulong Magsaysay, nagaganap ang Linggo ng Wika tuwing bakasyon ng mga estudyante, kaya hindi nakakasama ang mga paaralan sa pagdiriwang nito.
Noong 1988, pinirmahan ni Pangulong Corazon Aquino ang Proklamasyon Blg. 19 na nagpatibay ng selebrasyon ng Linggo ng Wika sa Agosto 13 hanggang 19. Sa huling araw ng linggo, gugunitain ang kaarawan ni Pangulong Quezon. Noong 1997, sa bisa ng Proklamasyon Blg. 1041, idineklara ni Pangulong Fidel Ramos ang selebrasyon ng Wikang Filipino na magaganap sa buong buwan ng Agosto.
3. PAGKAKAIBA NG TAGALOG AT FILIPINO. Marami sa atin ang nag-aakala na ang Filipino ay kapareho ng Tagalog. Ayon sa mga eksperto, magkaiba ang mga ito dahil ang wikang Filipino ay ginagamit sa buong bansa habang ang Tagalog ay kadalasang ginagamit sa Central Luzon.
4. ANG WIKANG FILIPINO AY PAGKAKAKILANLAN NG MGA PILIPINO. Ang bansa ay naimpluwensiyahan na ng imperial powers kung saan nagresulta ito ng ‘nation mix’ at unti-unting pagkawala ng pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Pero, gaanuman karami ang natutunan natin mula sa iba’t ibang bansa, dapat nating panatilihin at paunlarin ang kakaibang pagkakakilanlan natin.
5. HINDI ALIBATA ANG SINAUNANG PAGSULAT. Ang sinaunang pagsulat ng mga Pilipino ay hindi alpabeto o alibata kundi silabaryo o baybayin. Ang alibata ay binubuo ng mga letra na kumakatawan sa indibidwal na tunog habang ang baybayin ay binubuo ng simbolo na kumakatawan sa isang pantig. Anumang selebrasyon ang ipinagdiriwang sa bawat buwan, dapat nating linangin, paunlarin at ipagmalaki ang ating sariling wika. Saanman tayo magpunta, hindi natin dapat kalimutan at ikahiya ang sariling atin.





Comments