DOH, sinayang lang ang P18 bilyong pera ng bayan
- BULGAR

- Aug 6, 2019
- 1 min read

KAPAG panahon ng tag-ulan, madalas ay panahon din ng pagkakasakit.
Sa ganitong pagkakataon, kasabay na tila binabagyo ang ating bulsa. Mainam sana kung palaging may ipon, pero kung nag-aabot lang ang kita sa gastos o kulang pa, paano na?
Oo nga’t may mga libreng ospital, pero ang gamot? ‘Yung eksenang bibigyan ka ng reseta ng doktor, papupuntahin ka sa botika na hawak ng gobyerno, pero wala namang available na gamot.
No choice kundi ang bumili sa labas. Ang masaklap, paano kung hindi sapat ang pambili? Kaya nakapanghihinayang ang ulat na sangkaterbang gamot ang na-stock at hindi na naman naipamahagi ng Department of Health (DOH) noong nakaraang taon.
Sa report ng Commission on Audit (COA), higit sa P18 bilyong halaga ng mga gamot ang nakatambak lang at marami sa mga ito ay nalalapit na ang expiry date.
Nadiskubre rin na higit P30 milyon halaga ng mga gamot na ipinadala sa mga health center, rehabilitation center at ospital ay expired na. Wala nang pakinabang!
Taun-taon na lang nangyayari ang pagkasayang ng mga gamot at parang walang napananagot. Kaya dapat lang na isailalim sa imbestigasyon ang isyu. Mula sa pagre-request hanggang sa mismong pamamahala ng mga supply.
Kailangan itong mahimay nang husto dahil sadyang hindi katanggap-tanggap ang naging kapabayaan sa mga na-expired na gamot lalo’t maraming mahihirap ang nangangailangan nito.
Kung mapatunayang may nangyaring katiwalian o kakulangan, hindi puwedeng basta na lang ito palampasin. Pera ng taumbayan ang nasayang at taumbayan din ang naagrabiyado.





Comments