4-day work sagot sa trapik, i-push na!


DAHIL sa tila pang-forever na problema sa trapik, never say die pa rin ang mga ahensiya ng gobyerno sa pag-iisip ng solusyon.
Muling inihain sa Kamara ang panukalang 4-day work week scheme. Sa pamamagitan nito, umaasang mababawasan ang mga bumibiyahe, partikular sa EDSA.
Kung hindi matutuloy ang atras-abanteng provincial bus ban, maaaring ito na raw ang maging sagot sa problema ng mga motorista at pasahero.
Matatandaang, inaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang pagpapairal ng compressed work week, subalit, hindi naisabatas dahil hindi nagkasundo ang Kamara at Senado sa magkaiba nilang bersiyon.
Gaano nga ba magiging kaepektibo ang apat na araw na pasok sa trabaho bilang panlaban sa malalang trapik? Isa pang napakahalagang tanong, kakayanin ba ng mga manggagawa at kumpanya ang ganitong sistema?
Kung working hours ang pag-uusapan, hindi naman talaga mababawasan ang karaniwang 8-hour/day ng mga empleyado sa pagtatrabaho dahil ang kapalit nito ay ang pag-extend sa working hours sa loob ng apat na araw para ma-compensate ang nawalang isang araw.
Kung dati ay alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon ang trabaho, maaaring maging alas-8:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi o alas-8:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi, depende sa patakaran ng kumpanya.
Sa ganitong schedule, productive pa kaya ang ilang oras na dagdag sa trabaho? Kayanin din kaya ng mga kumpanya na nakadepende ang operasyon sa nakasanayang oras?
Sa kabilang banda, sino ba ang ayaw ng dagdag-araw na makasama nang matagal ang pamilya? Sino ba ang ayaw sa dagdag-araw na hindi ka makikipagdigmaan sa trapik?
Kung saanman abutin ang panukalang-batas, lumusot man o hindi, tuloy lang sana sa pag-iisip ng iba pang solusyon at huwag ding manghinayang na subukan ang mga ito.
Kung epektib, ayos! Kung wa’ epek, try ulit ng ibang paraan.





Comments