Pinoy muna bago dayuhan sa “Build, Build, Build”


LIKAS sa ating mga Pinoy ang pagiging madiskarte at matiyaga.
Gayunman, may mga pagkakataong kahit gaano tayo kapursigido para sa isang bagay, sadyang hindi tayo nabibigyan ng pagkakataon.
Tulad ng mga kababayan nating halos napagod na lang sa paghahanap ng trabaho.
‘Yung tipong naluray na ang mga requirement, hindi pa rin natatawagan ng mga kumpanyang inaplayan.
Hanggang sa nasundan pa ng usapin sa agawan sa trabaho. May ulat na dagsa ang mga dayuhan, partikular ang mga Chinese na naging kakumpitensiya ng mga manggagawang Pinoy.
Kung matitiyak lang sana ng gobyerno na prayoridad ang mga Pinoy sa mga trabahong magbubukas sa programang “Build. Build, Build”, kahit paano ay mabubuhayan ng loob ang mga tambay.
Tulad ng sinasabi na kukunin ang mga Pinoy worker sa pagtatayo ng $3.5 billion subway project sa isang lungsod kung saan halos 10,000 construction workers ang kakailanganin.
Nakatakda umanong simulan ang nasabing proyekto sa Disyembre na kung walang aberya ay matatapos sa 2025. Matagal-tagal na kayod at maraming pamilya na rin ang makikinabang.
Ganito rin sana sa iba pang mga proyekto. Bago kumuha ng ibang lahi, pagkatiwalaan muna sana ang ating mga kababayan.
Ang siste, ‘yung matatalino at magagaling ay napipilitang mag-abroad dahil doon sila natatanggap at nabibigyan ng sa palagay nila ay makatarungang suweldo.
Panahon na para mabago ang kalakaran. Ibigay natin ang pagkakataon sa bawat manggagawang Pinoy na makapaglingkod sa sariling bayan.





Comments