Evacuation centers, mukhang safe, pero hindi!
- BULGAR

- Jul 29, 2019
- 1 min read

HABANG inuulan ang Metro Manila at iba pang lugar, niyanig naman ng magkakasunod na lindol ang Batanes.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), umabot na sa 2,963 katao o 911 pamilya ang naapektuhan dahil sa serye ng pagyanig, partikular sa bayan ng Itbayat kung saan walo ang nasawi habang 60 ang sugatan.
Nawasak ang nasa 15 bahay, dalawang eskuwelahan at maging ang dalawang makasaysayang Simbahan.
Kaya ang mga apektadong pamilya ay napilitang lumikas at manatili sa mga evacuation site sa plaza at palengke.
Nagpapasalamat naman ang mga biktima dahil patuloy ang pagdating ng relief goods bagama’t, mas maraming tent pa rin ang kinakailangan para pansamantalang matuluyan.
Tuwing may kalamidad, saka ulit naiisip ang kahalagahan ng pagkakaroon sana ng mga permanenteng evacuation center.
Ito ‘yung mga gusali na maaaring takbuhan ng mga apektado hindi lamang ng lindol kundi maging ng bagyo, pagbaha, sunog, pati giyera o anumang hindi inaasahang pangyayari.
Sa pamamagitan din nito ay hindi na kailangang gamitin ang mga paaralan lalo na at may klase o ang mga covered court o plaza na walang sapat na palikuran. Kailangan pa rin ng lugar kung saan magiging komportable ang mga bakwit.
Matatandaang, may mga ulat na may mga biktimang nakaligtas sa kalamidad, namatay naman sa sakit habang nasa evacuation site na marumi, siksikan at walang maayos na supply ng tubig.
Ang masaklap, may naitala ring krimen. May mga bakwit na nasasangkot sa gulo, pagnanakaw, pananakit at pati pananamantala.
Kaya hindi lang din sa pagpapatayo ng mga permanenteng evacuation center natatapos ang pagtulong sa mga bakwit kundi hanggang sa sila ay muling makabangon at makabalik sa kani-kanilang tahanan.





Comments