GANG MEMBERS NAG-AMOK SA SUBWAY, 45 NADALE
- Jersey Sanchez
- Jul 25, 2019
- 1 min read
NASA kustodiya na ng mga awtoridad ang anim katao na pinaniniwalaang sangkot sa pag-atake sa subway na ikinasugat ng 45 sa Hong Kong.
Ayon kay Senior Superintendent Chan Tin-chu, nasa pagitan ng edad 24 at 54 ang mga lalaki na pinaniniwalaang kabilang sa mga umatake sa Yuen Long MTR Station.
Inaresto ang mga hindi pinangalanang akusado dahil sa salang ‘unlawful assembly’ at ilan sa mga ito ay napag-alamang sangkot sa triad criminal gangs.
Batay sa impormasyon, nakasuot ng mask at puting t-shirt at armado ng yantok ang mga umatake.
Ayon sa mga saksi, target ng mga ito ang black-shirted protestors na dumalo sa mapayapang anti-government march sa siyudad bago ang pag-atake.
Tumagal ng halos isang oras ang insidente kung saan inatake rin ng mga suspek ang ilang sibilyan.
Nakaranas ng head injuries at malalang pagkasugat ang ilan sa mga biktima.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para sa ikadarakip ng iba pang sangkot sa pag-atake.





Comments