Maiingay at adik sa toma, lagot kay P-Digong
- BULGAR

- Jul 24, 2019
- 1 min read

SHOUTOUT sa kapitbahay na madaling-araw na, ayaw pa ring magpaawat sa pag-iingay.
Hindi naman bawal magwalwal, lalo na kung nasa loob ng bahay, ang problema ‘yung nakakaistorbong ingay — halakhakan, sigawan at kung sagad pa sa kakapalan, may sounds pa.
Paano naman silang mga kailangang matulog nang maaga dahil may pasok o may mga gawaing dapat tapusin, kinabukasan? Kailangan pa ba ng isang batas para magkaroon ng hiya at disiplina?
Samantala, usapang toma pa rin, marahil ay may mga reklamong nakarating kay Pangulong Rodrigo Duterte kaya nabanggit nito sa kanyang SONA ang panukalang nationwide liquor ban.
Sa pamamagitan nito, pagsapit ng alas-12:00 ng hatinggabi ay bawal na ang inuman, sapul d’yan ang mga establisimyento tulad ng mga tindahan at bar.
Matatandaang, madalas ibida ng pangulo na epektib ang nasabing kautusan sa Lungsod ng Davao.
Gayunman, sa palagay natin ay kailangan muna itong pag-aralan.
Puwedeng okay ito sa ibang lugar pero, hindi sa buong bansa.
Sa totoo lang, napakarami na nating batas para lang madisiplina pero, hindi pa rin tumitino ang mga pasaway.
Kaliwa’t kanan na ang mga paskil, pataas na rin nang pataas ang multa at may kasama pang kulong pero, marami pa rin ang dedma.





Comments