Worried dahil may amoy ang ihi
- BULGAR
- Jul 18, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Worried ako dahil napansin kong parang may amoy ang aking ihi. Minsan, parang malabo ang kulay nito. Ano ang ibig sabihin nito? — Caloy
Sagot
Ang ihi ay karaniwang pinaghalong asin, urea at uric acid. Karaniwang ito ay may 960 parteng tubig at 40 parteng solid matter. Ang tao ay umiihi nang hanggang sa 40-60 ounces sa loob ng 24-oras.
Narito ang iba’t ibang klase ng ihi:
Malinaw ang kulay — sa pag-inom ng maraming tubig, makakailang beses din ng pag-ihi.
Kulay brown — ang pagka-brownish o kulay iced tea, ito ay maaaring sanhi ng dehydration kung saan ang bato ay nagdodoble-kayod sa paggawa ng ihi na mas concentrated. Maaaring matingkad ang kulay ng ihi dahil sa pagkakaroon ng dugo. Kung ang ihi ay hindi magkaroon ng malinaw na kulay sa kabila ng pag-inom ng maraming tubig, makabubuting sumangguni sa doktor upang malaman kung may impeksiyon o may iba pang kondisyon na kailangang suriin.
Malabong kulay ng ihi — kung ang ihi ay may malabong kulay at may kasamang mapanghing amoy, maaaring sanhi ito ng urinary tract infection o problema sa pantog.
Kulay asul o berde — ito ay maaaring mula sa mga pagkaing may artificial na kulay o mula sa gamot na iniinom.
Amoy matamis — maaaring sanhi ng pagkakaroon ng asukal sa ihi na senyales ng pagkakaroon ng diabetes.
Kakaibang amoy — maaaring sanhi ng kinain o ng mga gamot na iniinom ngunit, kapag ang kakaibang amoy ay hindi nawawala, kailangang magpakonsulta sa doktor upang masuri ang ihi.
Matingkad na kulay dilaw — maaaring sanhi ng mga food supplement tulad ng Vitamin B at carotene. Maaaring ito ay mula sa mga laxative na iniinom para sa sintomas ng problema sa pancreas.
May dugo — ito ay maaaring senyales ng urinary tract infection ngunit, maaari ring sintomas ng bladder cancer sa babae at lalaki. Microscopic trauma o pinsala mula sa endurance event, kidney stones at ang pag-inom ng gamot na pampalapot ng dugo ay ilan sa mga maaaring sanhi nito.
Madalas na pag-ihi — maaaring sanhi ng pag-inom ng maraming likido, pagkain ng mga pagkaing maraming tubig tulad ng mga prutas o pag-inom ng diuretic. Ang kondisyong ito ay madalas mapansin sa mga may edad na. Sa mga lalaki, ang paglaki ng prostate ay nagdudulot ng pakiramdam na naiihi nang madalas.
Pag-ihi nang hindi sinasadya — ang urinary incontinence ay karaniwang nangyayari sa mga babae, gayundin sa mga hindi pa nakapanganganak. Ito ay epekto ng kondisyon kung saan ang mga kalamnan ng pelvic floor ay hindi kaya ang pressure ng mga aktibidad tulad ng pagtakbo, gymnastics, pag-ubo o pagbahing. Ito ay maaaring lumala kapag ang babae ay nakapanganak na. Ito rin ay maaaring sanhi ng bladder malfunction.
Masakit na pakiramdam sa pag-ihi — ito ay maaaring sintomas ng impeksiyon.
Comments