Basta magnanakaw, ‘di nauubusan ng modus, ingat!
- BULGAR

- Jul 15, 2019
- 1 min read

LAGLAG-BARYA, laslas-bag, ipit gang at iba pa, ilan lamang ang mga ito sa pangkaraniwang modus sa pampublikong sasakyan na target ang mga estudyante at nakatatanda.
Kamakailan lamang, may bagong modus kung saan target ang mga estudyante at kababaihan.
Dahil dito, pinag-iingat ngayon ang publiko sa umano’y “ketchup modus” ng mga kawatan sa bus na pahiran ng ketchup ang target bago kuhanan ng gamit.
Sa viral post ng netizen, nakasakay siya sa bus nang may lalaking kumuha ng atensiyon niya at tinanong kung ano ang nasa buhok niya.
Agad niyang hinawakan ang buhok at nalamang ketchup ang naroon kaya nang sinubukan siyang lituhin ng isa pang lalaki, napansin niyang tinitingnan ng katabi nito ang kanyang cellphone.
Nahalata niya ang modus ng tatlong lalaki nang magsensyasan ang mga ito dahilan para hindi niya pansinin ang grupo hanggang sa makababa ng bus.
Ayon pa sa netizen, maayos ang pananamit ng mga kawatan at tila papasok sa trabaho.
Dahil dito, hinimok ng mga awtoridad ang publiko na agad i-report ang mga kaparehong insidente.
Posibleng may iba pang modus ang mga kawatan kaya pinapayuhan ang lahat na maging maingat at alerto kahit saan.
Anumang oras, maaaring umatake ang masasamang-loob kaya ang payo sa lahat ng commuter, maging mapagmatiyag sa paligid at sakaling makaengkuwentro ng ganitong pangyayari, agad ipagbigay-alam sa kinauukulan.








Comments