Hawak ng mga Tsino ang Scarborough Shoal dahil sa kapalpakan ni ex-P-Noy, period!
- BULGAR
- Jul 12, 2019
- 2 min read
NATATANDAAN n’yo ba si Jose Manuel “Chel” Diokno, isa sa mga miyembro ng otso diretso na pambato ng dilawan na umuwing luhaan dahil kulelat ito sa katatapos lang na halalan?
Aba, napakasinungaling pala nitong si “Chel” Diokno. Isipin n’yo, naghain siya ng kaso sa Korte Suprema ng kasong tinatawag ng ‘writ of kalikasan’ na kung manalo ay uutusan ang gobyerno na ipatupad daw ang mga “batas-pangkalikasan” natin sa Scarborough Shoal, Ayungin Shoal at Mischief Reef. Halimbawa nito, ang pag-aresto ng mga mangingisda mula sa ibang bansa na nangingisda nang walang pahintulot ng ating pamahalaan.
Sabi ni Diokno at mga kasamahan niyang opisyal ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na abogado raw sila ng 19 mangingisdang taga-Palawan at Zambales na naaapektuhan at natatalo raw sa mga mangingisdang galing sa ibang bansa kaya inihain daw nila ang ‘writ of kalikasan’.
Kamakailan, isinumite ni Solicitor General Jose Calida ang mga sinumpaang-salaysay ng mga mangingisda na wala raw silang kinalaman sa kasong isinampa ni Diokno. Hindi raw kanila ang kaso.
Nagulat lang daw sila at nabahala sa kanilang mga nabasa sa pahayagan na ang kanilang mga pangalan ay idinedemanda raw si Pangulong Rodrigo Duterte. Hindi tama ang ginawa ni Diokno at kanyang mga kasamahan.
Ang masama pa nito, ang idinidemanda raw ng mga mangingisda ay ang pangulo ng Pilipinas, ang lider ng sarili nilang bansa.
Malaking kasalanan ito para sa abogado na kapag ginawa niya ito, dapat tanggalan siya ng awtoridad bilang abogado.
Ayon sa Rules of Court No. 138, Section 27: “Ang abogadong nagpapanggap na siya ay abogado ng isang tao sa korte, subalit, hindi naman pala ay maaaring alisin sa puwesto niya bilang abogado.”
Ang kaso na “writ of kalikasan” na isinampa ni Diokno at mga kasamahan nito ay layuning utusan ng Korte Suprema ang gobyerno ni Pangulong Duterte na isakatuparan daw ang ating mga batas sa Scarborough Shoal, Ayungin Shoal at Mischief Reef.
Sa totoo lang, hawak ng mga Tsino ang Scarborough Shoal dahil sa kapalpakan ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III noong 2012.
Inaangkin din nila ang Mischief Reef tulad ng iba pang mga bansa tulad ng Vietnam, Taiwan at Malaysia, lahat ng mga bansang ito kasama ang Pilipinas ay pinaniniwalaang ang Mischief Reef ay kanilang pag-aari.
Isipin ninyo, kung apat na mga bansa ang nagsasabing sa kanila ito, ano ang gagawin natin para isakatuparan ang mga batas natin doon, giyerahin o makipaggiyera sa kanila?
Paano kung rumesbak sa atin ang mga bansang ito at magkakasama na giyerahin tayo? Malamang, pupulutin tayo sa kangkungan. Hindi lang pala sinungaling si Diokno, gunggong pa!
Comments