top of page

Mga estudyanteng Pinoy, bakit nga ba gusto sa ibang bansa?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 11, 2019
  • 3 min read

NOON pa man, hindi kaila sa bansa na maraming mag-aaral ang nangangarap makapunta ng ibang bansa hindi para magbakasyon kundi para makamit ang mas maginhawang kinabukasan para sa sarili at pamilya.

Alam ba ninyong mababa noon ang pagkilala sa bachelor’s degree sa ating bansa kung saan katumbas lamang ang pagtatapos nito ng dalawang taong undergraduate course sa ibang bansa o kinikilalang wala silang natapos na kurso kaya kailangan pa nilang magdagdag ng taon sa pag-aaral upang matawag na propesyunal?

Pinagsisikapan ng gobyerno na maibigay ang mga pangangailangan ng kabataan, lalo na sa edukasyon.

Ang K-12 curriculum ng Department of Education (DepEd) na para sa mga estudyante mula kindergarten hanggang Senior High School ay kilala upang maihanda ang mga bata sa kolehiyo at trabaho.

Ang libreng matrikula sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad para sa mga college student ay sa pamamagitan ng batas na Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Maraming paraan para mapaghandaan kung nais makapag-aral sa ibang bansa.

Sari-saring motibasyon mayroon ang bawat interesadong estudyante na pumunta sa ibang bansa. Maaaring ang gusto nilang kurso ay wala o hindi pa bukas sa bansa o dahil mas maiintindihan nila ang kanilang inaaral sa pamamagitan ng ibang tao, karanasan, kultura o tradisyon.

Posible ring sadyang pangarap nilang maranasang manirahan sa kabilang dako ng daigdig at hangad na hamunin ang sarili na maging independent o tumayo sa sariling mga paa at hayaan ang sariling mahasa at matuto sa iba’t ibang aspeto ng buhay.

Isang paraan nito ay ang Transnational Education o TNE, ito ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa pagitan ng British Council-Philippines at ng Commission on Higher Education (CHED) upang ipadala ang kabataang estudyante mula sa piling kolehiyo o unibersidad na interesadong mag-aral sa ibang bansa, partikular na sa United Kingdom.

Tulad halimbawa ng mga estudyante ng University of the Philippines-Los Baños na maaaring mag-aral ng Doctorate Degree Research sa University of Reading sa England.

Sa Silliman University naman ay maaaring makipag-ugnayan sa Newcastle University upang mapag-aral ang kanilang mga estudyante ng Master of Research in Marine Ecosystems and Governance at Master of Research in Tropical Biological Oceanography.

Gayundin, sa Saint Louis University at Coventry University na may inihahandog na kursong Master in Science Disaster Risk Reduction and Management.

Bukod dito, ayon sa UNESCO Institute for Statistics, kabilang din sa mga bansang dinarayo ng mga estudyante ay ang New Zealand, Australia, South Korea, Canada at Saudi Arabia dahil mura ang matrikula at ibang bayarin, mababa ang halaga ng pamumuhay at daan para makapag-ipon nang maigi.

Anuman ang kanilang piliin ay susuporta tayo — gobyerno at magulang, saanman sila mapapabuti ngunit, para sa kabataang Pinoy na nangingibang-bansa dahil nawawalan sila ng pag-asa sa Pilipinas, sana, darating ang araw na hindi na kailangan pang umalis dahil maunlad na ang ating bayan pagdating sa research at development ng agham, teknolohiya at maging ang ibang industriya at siyempre, upang hindi na malayo sa kani-kanilang pamilya.

Ang ating mga batas dito, tulad ng Republic Act 11035 o Balik-Scientist Law na layong bigyan ng mga benepisyo at insentibo ang mga lokal na propesyunal ay magandang tulay upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga Pilipinong eksperto, siyentipiko, imbentor, inhinyero at iba pa.

Kung tatangkilikin at susuportahan natin nang may pagsisikap ang sariling atin, posibleng tayo ay magtatagumpay na makasasabay din sa mga eksperto ng ibang bansa.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page