Kooperasyon ng mga motorista sa tuwing may daraang ambulansiya sa kalsada, kailangan!
- Ryan B. Sison
- Jul 10, 2019
- 2 min read

HULI sa video ang pagiging iresponsable ng ilang motorista kung saan nag-counterflow at humarang ang mga ito sa ambulansiya na may sakay na pasyente.
Kung saan dinig ang pag-aalala ng anak ng pasyente na kumukuha ng video dahil ilang minuto na silang na-stuck sa kalsada na imbes na pagbigyan at paraanin sila ay naiipit pa umano ang mga ito na maaaring makaapekto sa estado ng kalusugan ng pasyente.
Gayunman, ayon kay MMDA EDSA traffic head Bong Nebrija, nakausap na umano niya ang chief operation ng Highway Patrol Group hinggil dito at ang pinakamainam gawin na nakasaad din sa batas ay ang kasuhan ang mga motorista dahil lumabag ang mga ito sa Land Transportation Act 4136 kabilang ang Counterflow/ Reckless Driving, Obstruction, Disregarding Traffic Sign at iba pa.
Dagdag pa rito, posible ring bawiin ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng mga pasaway na driver, lalo na at kitang-kita ang kanilang plate numbers.
Sa totoo lang, napakairesponsable ng ginawa ng mga driver dahil kahit sino, kapag may dumaang ambulansiya, eh, pauunahin ito dahil alam nating ginagamit ito para makasalba sa buhay ng tao.
Samantala, base sa pag-aaral mahigit 20 porsiyento ng mga pasyente na nangangailangan ng emergency treatment ang nasasawi habang patungo ng ospital dahil sa mga “uncooperative motorist”, kaya kung ayaw natin maging dahilan kung bakit hindi na sila nakaaabot ng buhay sa mga pagamutan, maging responsable tayo at may pusong motorista sa lansangan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments