Libreng sakay para sa mga estudyante, ayos!


Libre na sa pamasahe ang mga estudyante sa ilang transportasyon sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr).
Ayon sa ahensiya, wala nang babayaran ang mga mag-aaral sa MRT 3, LRT 2 at Philippine National Railways (PNR) mula Lunes hanggang Biyernes, maliban kung holiday.
Mula ngayong Hulyo 1, libre nang makasasakay ang mga estudyante sa MRT 3 mula alas-5:00 ng madaling-araw hanggang alas-6:30 ng umaga at mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-4:30 ng hapon.
Sa LRT 2 naman, walang babayaran ang mga estudyante mula alas-4:30 ng madaling-araw hanggang alas-6:00 ng umaga at mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-4:30 ng hapon.
Sa PNR, libre ang pamasahe ng mga mag-aaral mula alas-5:00 ng madaling-araw hanggang alas-6:00 ng umaga at mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-4:00 ng hapon.
Samantala, libre rin ang mga estudyante sa terminal fee sa mga paliparan na sakop ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) mula Agosto 1, gayundin, sa mga pantalan na pinangangasiwaan ng Philippine Ports Authority (PPA) mula Hulyo 16.
Dagdag pa ng DOTr, kailangang magparehistro ng mga mag-aaral para sa special I.D. upang magamit ang libreng sakay.
Malaking tulong ito sa mga magulang at estudyante dahil hindi lamang sila makatitipid kundi masasanay ang mga ito na pumasok at umuwi nang maaga.





Comments