Malinaw ayon sa birthday... BABAENG NAKATAKDANG LALONG MASASAKTAN SA BABAERONG BF

Dear Maestro,
May boyfriend ako ngayon, kaya lang napakababaero niya. Sa tingin ninyo, may pag-asa pa bang magbago ang lalaking mahilig sa babae? Ano ang dapat kong gawin? Gusto ko na kasi siyang layasan. Dapat ko ba siyang hintaying magbago o kung sakaling hindi siya magbago ay saka na lang ako makikipag-break sa kanya? March 1, 1993 ang birthday ko at October 10, 1992 naman ang birthday ng boyfriend ko.
Umaasa,
Camile ng Bagbag, Novaliches, Quezon City
Dear Camile,
Kung sadyang napakababaero ng boyfriend mo, ano pa ang hinihintay mo? Mas tama ang pasya mo na makipag-break na sa kanya. Nangyaring ganu’n ang tamang pasya dahil sa katotohanang tunay ngang sobrang liit lang ng tsansa para magbago ang babaerong lalaki, maliban na lang kung nagkasakit sila. Pero kung hindi, kung nanatili silang malusog at masaya ang buhay, tulad ng nasabi na, malabo siyang magbago.
Kaya muli sa itinatanong mo, kung magbabago pa ba ang babaero mong boyfriend? Malinaw ang sagot, sa usapang pang-Psychology, napakahirap baguhin ang nakasanayan ng ugali tulad din ng mga masasamang bisyo.
Isang ehemplo na lang nito ay ‘yung ugali ng pagiging mahilig sa pagkain. Kung madali lang kontrolin ang pagiging matakaw, sana ay hindi na naimbento ang iba’t ibang uri ng gamot at food supplements na pampapayat, gayundin ang usung-usong ehersisyo ngayon na zumba.
Dahil napakahirap ngang o kontrolin ang pagkain, kailangang bago mo magawa ito ay matinding disiplina sa sarili ang dapat mong umpisahan. Kung wala kang matinding disiplina sa sarili, mahihirapan ka na ngang magbago habang patuloy kang magiging obese dahil sa iyong bisyong wala sa lugar at wala sa tamang dami ng pagkain.
Isa pang napakahirap alisin ay ‘yung paninigarilyo at dahil nanatili ka sa paninigarilyo na kinawilihan mo na, ito ang nagiging sanhi ng pagkakasakit at pag-ikli ng buhay. Isa pang halimbawa ng negatibong ugali na mahirap ding baguhin ay ‘yung pagkasugapa sa alak. Kung magiging mapag-obserba ka lang, sa inyong lugar na mismo, may nakita ka bang lasenggo na nagbago? Ako, wala pa akong nakikita, maliban na lang sa mga matanda na dinapuan ng malubhang karamdaman.
Ang isa pang halimbawa ng masamang nakaugalian na mahirap ng baguhin ay ‘yung mga talamak na sugarol. Nasira na ang pamilya at nabaon na sa utang, hindi pa rin niya maawat ang kanyang sarili sa pagpunta sa casino, sa pagto-tong-it, sa pagbi-bingo at iba pang bisyong sugal na sa simula ay akala mong laro lang o libangan hanggang sa maging totohanang sugal na ibinubuhos mo na ang buong araw at maghapon mo sa nasabing bisyo.
Bakit ba napakahirap pigilin ang bisyo na masamang nakawilihan? Ang lihim ng lahat ng bisyo, kasama na ang pambababae ay nakasalalay sa salitang “immediate reward”. Sa madaling salita, ‘yung gustung-gusto mong bagay ay ibibigay kaagad sa iyo na magdudulot ng satisfaction kaya nakawiwiling gawin ang anumang uri ng bisyo.
Mahirap kontrolin ang anumang uri ng bisyo dahil kabaligtaran ang mangyayari. ‘Yung gustung-gusto mo ay ilalayo o hindi ipatitikim sa iyo. Imbes na “immediate” na “sarap”, kapag hindi mo ginawa ang iyong bisyo “immediate na lungkot” ang mapapala mo. Pero, ang hindi mo alam, ‘yung saglit na pagpapahirap sa iyong sarili, kalusugan naman ang maaapektuhan. Kaya sa tanong mo na sa tingin ba namin ay mababago pa ang babaero mong nobyo? Siya ang tanungin mo, gusto niya bang magbago?
Kung ayaw niyang magbago o magpakatino, hindi na siya magbabago. Kung gusto niyang magbago, tanungin mo siya, “kaya mo bang isakripisyo ang pambababae mo para sa pag-ibig o pagmamahal mo sa akin?” Kung hindi, tulad ng naihayag na sa itaas, napakahirap tanggalin ang bisyo, lalo na’t ang bisyong ito ay nagbibigay ng “immediately reward”.
Tandaang, para makontrol ang bisyo, kailangan ang sakripisyo o pagtitiis. Kung wala nito, tuluy-tuloy ang masamang bisyo hanggang sa matagpuan na lang ng indibidwal na dahil sa kanyang bisyo ay nawasak na pala ang kanyang pamilya, gayundin ang sarili niyang kalusugan.
Samantala, Camile, dahil hindi kayo compatible ng boyfriend mong babaero, mas mainam pang makipag-break ka na sa kanya kaysa kapag mag-asawa na kayo ay saka mo maranasan ang sakit na magkaroon ng asawang babaero.
Sa kaso mo na isinilang sa zodiac sign na Pisces na may birth date na 1, higit na tugma sa iyo ang mga lalaking isinilang sa zodiac signs na Cancer, Scorpio, Virgo at kapwa mo Pisces higit lalo silang may mga birth date na 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 4, 13, 22 at 31 — sa piling ng nasabing mga lalaki, makasusumpong ka ng tapat, maligaya at panghabambuhay na pag-ibig.




Comments