Alamin mula kay Señor.. KATOTOHANAN TUNGKOL SA KASUWERTEHAN

Bigyang-daan natin ngayon ang pagpapatuloy sa kasagutan sa email ni Robert ng Robert_ Robert@facebook.com
Sa iyo Robert,
Nabanggit natin na tuwing summer solstice ay may malalaman tayong katotohanan sa buhay ng bawat isa, kumbaga, hindi lang ito kaganapan sa kalangitan na nakabibighani.
Tuwing summer solstice rin makikita ang katotohanan na ang mga umabot na sa pinakamataas ay walang magagawa kundi ang bumaba nang bumaba.
Kaya ang tanong, paano mahahadlangan ng tao ang kanyang pagbaba? Sa mga negosyo, ito ay nakikita kung saan sa kasikatan, ito ay nangyayari.
Para mahadlangan ang tuluyang pagbagsak, narito ang ilang pananaw na mahigpit na kailangang ikonsidera ng taong pababa o pabagsak na:
Una, magbalik-tanaw ka sa nakaraan kung saan aalamin mo kung paano umunlad nang umunlad ang tao o ang negosyo. Tiyak na may makikita kang katotohanan dahil kaya ka tumaas ay dahil pinagsikapan mo ito.
Kumbaga, hindi makararating sa pinakamataas na kalagayan kung walang naging dahilan ng pagtaas.
Ang mga ito, kadalasan ay ang ugali o pananaw sa buhay. Noon ay mapagpahalaga sa kabuhayan o kinikita ang tao, pero ngayon na pabagsak na siya ay nagbago na ang kanyang ugali. Kaya, ang payo, ibalik mo ang ugali na naging dahilan ng pag-angat ng iyong buhay.
Ang isa sa mga dahilan kung bakit tumataas ang kalagayan ay dahil sa mga taong tumutulong, kaya, ang payo para sa iyo kung sino ang nakatutulong sa paglago ng iyong kabuhayan, huwag mo siyang alisin sa iyong buhay o negosyo.
Ito ay kahit na mahirap tanggapin na ang mga taong nasabi ay nagsisilbing pampasuwerte mo. Sa totoo lang, hindi lang bagay ang pampasuwerte dahil mas madalas na ang tao mismo ay suwerte sa kanyang kapwa.
May mga bagay din na suwerte sa negosyo, halimbawa, kung luma na ang mga bagay na ito, mas magandang gawing pan-display o ilagay sa magandang puwesto para palaging nakikita o naaalala.
Kapag sinunod mo ang mga nasa itaas, hihinto ang pagbaba mo at hindi na kikilos ang kapalaran para mapabagsak ka.
Ito rin ay magsisilbing mga puwersa na nagsasabing, kikilos muli ang takbo ng iyong buhay papataas hanggang sa muli mong maabot ang pinamakataas na kalagayan.
Good luck and God bless!




Comments