Sa banggaan ng 2 bangka sa WPS, todo-kampi kay P-Digong… HIRIT NI ROBIN: WALA NAMANG NAMATAY NA PINO
- BULGAR

- Jun 20, 2019
- 3 min read

BILANG loyal at diehard supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte, ano pa ba’ng maaasahan kay Robin Padilla kundi ang ayunan ang naging pahayag ng pangulo na ‘wag nang palakihin ang issue ng ‘banggaan lang’ daw ng bangka ng mga Pilipinong mangingisda at ng Chinese shipping vessel.
Kung maraming kababayan natin ang galit na galit ngayon at sumisigaw ng hustisya sa ginawa ng ilang Chinese shipping vessel crew na pagkatapos mabangga ang bangka ng 22 mangingisdang Pinoy sa Recto Bank a.k.a. Reed Bank sa West Philippine Sea nu’ng Hunyo 9 ay iniwan na lang sila basta sa gitna ng dagat, si Robin naman ay nananawagan na ‘relax’ lang tayong mga Pinoy para hindi na umabot sa giyera ng ‘Pinas at China ang isyung ito.
Sa kanyang FB Live nu’ng Martes (June 18) habang nasa Australia ang aktor para sa graduation ng anak niyang si Zhen, nag-react si Robin sa isyu ng Recto Bank at inayunan nga ang pahayag ni P-Digong, na kasalukuyan ding binabanatan ng ilang showbiz celebrities dahil sa hindi pagbibigay ng importansiya sa pambu-bully ng China sa ilang Pinoy fishermen.
Bahagi ng pahayag ni Robin, “Mahirap ho diyan, nagmamatapang tayo at idadamay natin ang buong bayan,” kaya sang-ayon daw siya na hindi na ito dapat umabot sa giyera.
Katwiran pa niya, “Wala namang namatay du’n sa ating mga kababayan. Alhamdulillah. At naiuwi nila ang bangka nila, pati ‘yung huli nila.
“Sa tingin ko naman, eh, humingi na rin ng dispensa ang China, ‘di ba, sa nangyari?”
May hamon din si Binoe sa mga bumabanat kay P-Digong dahil sa pagsasawalang-bahala raw sa sinapit ng mga Pinoy sa kamay ng mga Chinese ship crew.
“Siguro, katulad ho ng sinasabi ko nu’ng araw, kung sino ang matatapang, eh, sila na lang ang pumunta du’n. Huwag na nating idamay pa ang Armed Forces, ‘yung Pilipinas. Sarili na lang ninyong sikap. Kung talagang matapang kayo, eh, di patunayan n’yo du’n.”
Naniniwala raw si Robin na tama ang naging desisyon ni P-Digong.
“Sa sitwasyon ho natin ngayon, kailangan, eh, utak muna ang nakikipaglaban at magaling diyan ang president natin. At alam din ho ‘yan ng China.
“Kumbaga, nakikipag-chess ho ngayon ‘yung ating pangulo sa president [ng China].”
Bagama’t may mga “bumubulong” daw kay P-Du30 na labanan ang China, hindi naman nagpapadala ang pangulo dahil may sarili itong desisyon.
Naniniwala rin si Robin na wala tayong laban sa China kapag giniyera natin sila dahil sa kakapusan natin ng sandata.
Aniya, “Hindi ho tayo tatagal nang isang araw kapag tayo ho ay nakipaggiyera sa China. Hindi ho tayo tatagal nang isang araw. Eh, kawawa naman ho ‘yung kabataan natin diyan kung…
“Tayo ho dapat, lalaban lang tayo ‘pag in-invade na tayo. ‘Pag sinabing conventional warfare, diyan, puwede ho nating ilabas ang tapang natin diyan. Ibig sabihin, harapan tayo. Yaong kalaban natin, nasa harap natin. ‘Yun ho ‘yung magandang laban.
“Pero ‘yung laban ng mga missiles, wala ho tayong sikat diyan, dahil wala naman tayong…
“Meron ho tayong missile na dumating, pero siguro, pang-first wave lang ‘yun.
“Kasi kung pinag-uusapan ho natin, ‘yung missile warfare, wala ho tayong laban du’n.”
Nanawagan din si Robin sa mga init na init na raw sumugod at giyerahin ang China dahil sa ginawa sa mga kababayan nating mangingisda.
“Hindi pupuwede ang maiinit na ulo diyan kasi madadamay ho ang buong daigdig d’yan.
“Kung patapangan po ang laban, hindi ho tayo puwedeng magpatalo diyan dahil matapang ang Pilipino.
Pero ang Pilipino, hindi naman tanga, pagpapraktisan lang ho tayo diyan.
“‘Yung ating bayan, eh, pagpapraktisan lang ng missile nila.
“Naku naman, sa tingin n’yo ho ba, tatagal ang Pilipinas?
“Minsan, ang katapangan, ibabalik sa logic. Kailangan meron po tayong logic. ‘Pag sinasabing logic, ‘yung nasa katotohanan tayo. ‘Yun nga po ang ating message, at si Pangulong Rodrigo Duterte, naging malamig ang kanyang ulo.”
Kaya, mabuti nga raw at magaling sa diplomasya si P-Digong at nakikipag-usap ito nang maayos sa lider ng China.
May punto naman si Robin, pero siyempre, hindi lahat ay basta na lang tatanggapin ang kanyang opinyon sa isyung ito.
May ilang bumabanat sa aktor na feeling-katipunero at astang-Andres Bonifacio raw ito sa pagpapakita ng pagmamahal sa bayan, pero ngayon, biglang nabahag ang buntot.
Hirit pa ng ilang netizens, hindi naman giyera ang hinihingi nila kundi ang hustisya para sa mga kababayan nating nalagay sa alanganin ang buhay. Dapat daw ay manindigan si Pangulong Duterte na ipaglaban ang karapatan natin at ‘wag hayaang ma-bully tayo ng China, pero ‘di ibig sabihin nito ay makikipaggiyera na tayo.
Sabi pa ng ilang netizens, ‘wag nang sumawsaw si Robin dahil puro dada lang ito, duwag naman, at obvious daw na napaka-biased niya kay Pangulong Duterte.





Comments