Adopt-a-community program ng PCUP, ayos!
- BULGAR

- Jun 17, 2019
- 2 min read

TUMUTULONG ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa mga maralita nating kababayan sa pamamagitan ng pagbibigay-access sa serbisyo ng pamahalaan tungkol sa palupa at pabahay, trabaho, negosyo o pangkabuhayan, basic services at marami pang iba.
Para sa inyong kaalaman, bukod pa sa regular na programa ng PCUP sa social preparation, bumuo rin ito ng 3 priority programs kung saan nakapaloob dito ang mga nabanggit.
Tanong: Magandang araw, Sir Alvin! Maaari ba naming malamang kung anong tulong pa ang puwede ninyong maiabot sa aming lugar maliban sa caravan? Salamat! — Romano
Sagot Bukod sa caravan, may programa tayo na Adopt-a-Community kung saan ipinaaampon natin ang resettlement areas sa ating mga corporate partner upang tulungan ang komunidad na magkaroon ng basic services tulad ng tubig, kuryente, kalsada o daycare centers. Sa ngayon ay isinasapinal pa ang listahan ng ating mga partner na kumpanya para masimulan na ang ating programa.
Isa pang priority program natin, ang pinakaambisyoso sa lahat ay ang Urban Poor Privilege Card (UPPC). Kung mayroon tayong Senior Citizen, PWD at Solo Parent Card, ang PCUP ay magsisilbi ring discount card ng mga mahihirap na pamilya. Ihahain natin ito sa Kongreso upang maisabatas at mapakinabangan ng milyun-milyong mahihirap na pamilya sa bansa.
Sa ngayon, ang programa na Adopt-a-Community at PCUP ay tinatrabaho pa ng ating komisyon. Ipagbibigay-alam natin sa publiko kung kailan sisimulan ang nasabing mga programa.
Mayroon pa rin tayong iba pang programa sa PCUP na puwede nating mapakinabangan tulad ng mga training tungkol sa batas-pangmaralita, pangkabuhayan, usaping pangkaligtasan at iba pang kapaki-pakinabang na modyul sa inyong samahan at marami pang iba.
Nariyan din ang mga hands-on assistance sa mga pamilyang maaapektuhan ng demolisyon at ebiksiyon, mga komunidad na gustong mag-organisa para maging kooperatiba o lehitimong urban poor organization at iba pang programa sa ilalim ng panlipunang kahandaan o social preparation.
Para mapadali ang ating pag-access sa mga serbisyo ng PCUP, maaari tayong pumunta sa ating website sa www.pcup.gov.ph, bumisita sa ating Official Facebook Page na fb.com/pcupPH o magtungo sa ating ahensiya sa PCUP Central Office, 4th flr. DHC Bldg., 1115 EDSA, Prioject 7, Quezon City.
Mangyaring mag-email lamang sa pcup.media2019@gmail.com para sa inyong mga katanungan at sinisiguro nating sa susunod na paglabas ng ating column, mababasa ninyo sa pahayagang ito ang kasagutan sa inyong mga katanungan.
Inaasahan natin ang inyong mga katanungan dahil hangad natin ang magbigay-serbisyo para sa lahat. Muli, nagbabalik ang inyong lingkod upang magbigay ng direktang aksiyon para sa masa.





Comments