top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Kataksilan sa sariling bayan, tunay na malaking krimen!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 15, 2019
  • 2 min read

LUMUHA noon at lumuluha pa rin hanggang ngayon ang mga bayani na nagsakripisyo at buong tapang na lumaban para sa bansa, gayundin, ang mamamayan sa kasalukuyan at ang mahal nating Inang Bayan. Marahil, hindi lingid sa kaalaman ng karamihan ang insidente tungkol sa pagbangga ng Chinese vessel sa bangkang-pangisda ng mga Pinoy kamakailan sa Recto Bank sa West Philippine Sea (WPS). Lumubog ang bangka na may lulang 22 mangingisda ngunit, hindi tumigil ang barko ng Tsina at iniwan lang ang binanggang bangka ng ating mga kababayan. Mabuti na lamang may dumating na tulong mula sa mga barko ng Vietnam na nagmalasakit at nagligtas sa kanila.

Kaugnay nito, kinondena ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang insidente at nagsabing, “hindi ganito ang maaasahan natin mula sa mga kaibigan at responsableng bansa.” Kung iisipin, ang Vietnam ang nagpakita kung paano tumugon ang kaibigang bansa.

Masaklap nang binangga ang bangkang-pangisda ngunit, higit pang masaklap na iwanan ito sa malamig at malalim na tubig.

Nasaan na si Tatay Digong, ang ama ng bayan nang nasaktan ang ilan sa kanyang mga anak, bakit hindi siya agad nakapagsalita? Hindi ba, siya ang pinakaunang dapat magsalita tungkol sa walang pusong pagtrato ng mga Tsino sa mga Pinoy?

Malinaw ang pagsuporta sa atin ng United Nations Permanent Council of Arbitration na nagdeklara na sa atin ang WPS na nasa loob ng 370 kilometrong Exclusive Economic Zone ngunit, sa halip na gamitin ito bilang proteksiyon laban sa panghihimasok ng China, binalewala ito ng pangulo at hinayan na lang na unti-unting pumasok ang mga taga-China at magtayo ng kung anu-anong nais nila sa ating teritoryo.

Nakalulungkot ang patuloy na pagdagsa ng mga Chinese sa ating bansa, napakaraming trabaho ang ibinigay sa kanila. Ilang istorya nang pambabastos ng mga Chinese ang nabalita at kumalat sa social media. Sa kabila ng mga istoryang ito, wala tayong naririnig mula sa Malacañang. Sa halip, naririnig natin si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na nagsasabing, “hayaan lang natin ang mga Tsino na maghanapbuhay sa ating bansa.”

Nagkaroon ng rally laban sa panghihimasok ng Tsina sa iba’t ibang sulok ng bansa. Mabuti na lang at mayroong mga nagmamalasakit sa ating bansa.

Ano ang gagawin ng nakararami, manonood na lang ba tayong dagsain at sakupin ng mga dayuhang Tsino tulad ng ginawa noon ng mga Kastila, Amerikano at Hapon?

Tumagal ang Kastilang manana­kop dahil sa mamamayang nakipag­sabwatan sa mga ito. Ganito rin ang nangyari noong panahon ng mga Amerikano at Hapon. Hindi nawawalan ang mga taong kayang ipagbili ang ating likas na yaman, mamamayan at mismong bansa. Ano ang higit na nakalulungkot, ang pananakop ng malakas at mayamang bansa o ang pakikipagsabwatan ng ilan sa ating mga kababayan? Ano ang mas malaking krimen, ang kasakiman o kataksilan? Kung magkamag-anak ang sinungaling at magnanakaw, tila magkakambal naman ang sakim at taksil.

Maaari tayong lumuha at malungkot, hayaan nating hugasan ng mga luha ang lumalabo at humihinang mga mata upang muling makita rin ang lumuluhang Inang Bayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page