Malinaw ayon sa palad... BABAENG NAKATAKDANG MAKATAPOS NG PAG-AARAL BAGO MAKAPAG-ASAWA


KATANUNGAN
May karelasyon ako ngayon, ‘yung lalaking crush ko na nagkataong crush din pala ako, kaya naging mag-on kami. Sa tuwing magkasama kami, ayaw na naming maghiwalay at kapag hindi ko siya nakikita o nakakasama ay hinahanap-hanap ko siya.
Maestro, umiibig na ba talaga ako kasi ngayon ko lang naramdaman ang ganitong feeling?
Alam ninyo, kapag nakikita ko siyang may ibang kasama, asar na asar ako. Bakit kaya nagseselos ako kahit hindi naman dapat?
Naitanong ko sa inyo ang mga bagay na ito, Maestro, dahil nalilito ako sa aking damdamin. Nagtataka ako sa sarili ko kung bakit siya na lang palagi ang laman ng isipan ko, mula umaga, tanghali hanggang hapon, gayundin, sa pagtulog.
Sana, matulungan ninyong bumalik ako sa normal na buhay ko. Sa ngayon, medyo nahihirapan ako. Ewan ko ba kung bakit puro siya na lang ang laman ng aking isipan? Talaga kayang umiibig na ako o naloloka na ako?
Natatakot tuloy ako na baka bigla akong makapag-asawa at kami ba ang magkakatuluyan?
KASAGUTAN
Ganyan talaga ang in love. Magkahalong naloloka at nagmamahal. Sabi nga sa quote na nabasa ko sa FB “love makes life so confusing, but without love, would you really want to live”?
Ganu’n ‘yun! Magulo talaga ang umibig, pero masaya. Kung walang pag-ibig, walang kakuwenta-kuwenta ang buhay.
Samantala, may babala tungkol sa maagang pag-aasawa, ang nais sabihin ng sobrang lapit na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kapag patuloy kang naloka at nahibang sa kasalukuyan sa sinasabi mong lalaki, posibleng sa malapit na hinaharap, nasa panahon o wala sa panahon mang matatawag, bigla kang makapag-aasawa.
Subalit, dahil nag-aaral ka pa sa kasalukuyan, kailangang pigilin mo ang iyong harot na may kahalong pag-ibig sa iyong boyfriend nang sa gayun, bago ka makapag-asawa ay makatapos ka muna ng pag-aaral.
Makakaya mo itong pigilan sapagkat, ayon sa mataba at malaking itaas na bahagi ng daliring hinlalaki (arrow c.), kung gagamitin mo ang “will power” o ‘yung tinatawag na pag-iral ng matinding kalooban, ang kasalukuyang pagka-in love ay hindi mo dapat pigilan, bagkus, dapat kang gumamit ng isip upang hindi ka tuluyang mapalautan.
Sa balanseng paggamit ng rason at damdamin sa panahong ikaw ay umiibig, hindi ka magkakamali ng pagpapasya kung saan hindi ka maliligaw ng landas at bago makapag-asawa ay makatatapos ka muna ng pag-aaral.
‘Ika nga ng Mathematician at Philosopher na si Blaise Pascal, “we know the love, not only by the heart, but also by the reason.”
MGA DAPAT GAWIN
May dalawang pangunahing dahilan kung bakit ang tao ay dapat magpaanalisa ng kanyang kapalaran. Una, kung may pangit na pangyayaring magaganap, susubukan niya itong mahadlangan. Oo, mahahadlangan niya ito sa pamamagitan ng will power at determinasyon. Mangyayari lamang ito kung may mataba at malaking itaas na bahagi ng daliring hinlalaki (arrow c.).
Ang pangalawang dahilan kung bakit dapat magpaanalisa ng kapalaran ay kung ang tao ay nagugulumihanan sa kanyang future. Nagugulumihanan, ibig sabihin, nagtataka o nalilito dahil hindi niya alam ang mangyayari sa kanyang kinabukasan. Sa pag-aanalisa ng kapalaran, kapag maganda ang nakaguhit sa mga palad, masasabi mo kaagad sa nagpapaanalisa ng kapalaran na “huwag ka ng mag-alala pa sa kinabukasan mo sapagkat ang iyong tadhana ay nagsasabing, sa huling pasya ng tadhana, walang duda, magtatagumpay ka at habambuhay na magiging maligaya”.
Sa kaso mo, Jasmine, mas angkop sa iyo ang unang tinuran kung bakit nagpapaanalisa ng kapalaran kung saan ayon sa iyong mga datos, binibigyan ka ng babala ng iyong kapalaran na kapag patuloy kang nahibang sa kasalukuyang pag-ibig na iyong nararamdaman, sa murang edad na 19, maaaring bigla kang makapag-aasawa na magiging dahilan upang hindi ka makapagtapos ng pag-aaral (Drawing A. F-F Drawing A. arrow d.).
Ngunit, kasabay ng nakababaliw na pagka-in love, babalansehin mo ito ng rason o malinaw na kaisipan, mas higit na matutupad ang tuluy-tuloy na Fate Line (Drawing B. F-F arrow d.) na nakasampa sa Bundok ng Tagumpay (arrow d.) sa kanan mong palad.
Ibig sabihin, bago ka makapag-asawa, makatatapos ka muna ng pag-aaral at magiging propesyunal upang minsan pa, muli na namang mapatunayan ang isa pang katotohanan sa buhay na, “kapag umiibig at ginamit ang isip, sa halip, na puro puso at nag-asawa sa tamang edad, mas makatitiyak ng maunlad at maligayang pag-aasawa, habambuhay (Drawing A. at B. 1-M arrow a.).




Comments