top of page

Mga dahilan ng pananakit ng ulo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 10, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Madalas sumakit ang aking ulo, umiinom naman ako ng parace­tamol, pero bumabalik pa rin ito. Maaari ba ninyong tala­kayin ang mga posibleng dahilan nito, gayundin ang ma­buting gawin para rito? — Ren

Sagot

Ang pananakit ng ulo (headache o migraine) ay isang uri ng sakit na may iba’t ibang kadahilanan. Ang pananakit ay maaaring bahagya lamang o matin­ding kirot at tumitibuk-tibok at walang hinto. Mayroong iba’t ibang uri ng sakit sa ulo. Ang iba ay pansa­mantala at ang iba naman ay pangmatagalan at pabalik-balik. Anumang uri ng pananakit ng ulo ay nangangailangan ng kauku­lang paggamot.

Narito ang mga uri ng sakit ng ulo:

  • Migraine — ito ay matindi at paulit-ulit na sakit ng ulo at malimit ay may kasamang pagkahilo, panla­labo ng paningin, pagkabingi at pagsusuka. Ang labis na pananakit ng ulo ay maaaring nasa isang bahagi lamang ng ulo.

  • Pananakit ng ulo sanhi ng suliranin sa panunaw — karaniwan itong may kasamang sakit sa tiyan, bato, bituka at apdo. Minsan, sina­sabing may kaugnayan ang pananakit sa sobrang pag-inom ng alkohol at pagiging sensitibo sa pagkain.

  • Pananakit ng ulo sanhi ng pagkapagod — ang kirot ay nagsisimula sa leeg papaakyat sa bungo.

  • Pananakit ng ulo sanhi ng pag-aalala — ang pag-urong ng kalamnan ay sanhi ng katamtamang pananakit ng ulo mula leeg hanggang noo.

  • Pananakit ng ulo sanhi ng pamamaga ng sinus, lalo na ng bungo o ng bao ng ulo — ang pama­maga ng mga lining ng isa sa walong sinus cavities ay maaaring maging dahilan ng malalim at matagalang pananakit sa palibot ng mga mata, ilong at ulo.

  • Pananakit ng ulo sanhi ng pagkabahala o pagkabalisa — ang kirot ay gumuguhit sa noo.

Narito ang ilan sa mga posibleng sanhi ng pagsakit ng ulo:

  • Pagbabara ng daluyan ng dugo at pagbabago ng daloy ng dugo o hangin sa utak

  • Mga namamanang abnormalidad tulad ng problema sa hormone ng katawan

  • Mataas na presyon na nararamdaman sa likod ng batok

  • Maling postura ng katawan

  • Labis na pagod

  • Labis na pagkalung­kot

  • Pag-aalala at pagka­bahala

  • Baradong ilong dahil sa sipon

  • Allergy

  • Pagkalango sa alak

  • Sobrang paninigarilyo

  • Maling paggamit ng gamot

  • Bago at habang nire­regla (para sa mga babae)

  • Pagpapalit o pagba­bagu-bago ng klima

  • Labis na pag-iisip

  • Mataas na lagnat

  • Puyat

  • Hindi balanseng pagkain

  • Stroke o altapresyon

  • Tumor sa utak

Narito ang ilan sa mga simpleng paraan upang maibsan ang pananakit ng ulo:

  1. Mahiga nang kom­portable sa tahimik, madilim na silid.

  2. Iminumungkahi ang positibong pag-iisip.

  3. Mag-hot shower at hayaan ang lagaslas ng tubig na dumaloy sa tensiyunadong masel na nagdudulot ng sakit ng ulo.

  4. Magpamasahe ng leeg at batok.

  5. Sikaping matulog nang mahimbing.

  6. Makinig ng banayad na musika.

  7. Iwasan ang madalas na pag-inom ng kape, tsaa, softdrinks at tsokolateng may gatas.

  8. Iwasan ang madalas na pag-inom ng alak, lalo na ng serbesa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page