Mayabang at nananapaw daw… BAYANI, KUMANTA SA INAAYAWANG KOMEDYANTE
- BULGAR

- Jun 10, 2019
- 3 min read

BAGO pa man nabigyan ng titulong Comedy Queen si Ai Ai delas Alas ay kaibigan nang maituturing ni Bayani Agbayani ang leading lady niya sa first team-up nila sa pelikula na pinamagatang Feelennial (Feeling Millennial).
“Magsyota pa lang kami ni Len (his wife for more than two decades), kaibigan ko na si Ai Ai. Minsan, ‘pag baha sa Malabon, sa bahay pa niya kami natutulog. Sila pa ni Miguel (Vera, ex-partner ni Ai Ai),” pagbabalik-tanaw ni Bayani.
Kaya espesyal para kay Bayani ang pagsasama nila ni Ai Ai sa Feelennial kahit pa nalaman niyang ‘di pala siya ang first choice bilang katambal ng komedyana.
Sa mga hindi nakakakilala kay Ai Ai, inilarawan ni Bayani ang kapareha bilang magaling na artista.
“Para sa akin, perfect siya. Ang pagkatao niya, ang puso niya at ang pagiging artista niya, para sa akin, perfect siya. Para sa akin po, ha? Sa pagkakakilala ko sa kanya sa napakatagal na panahon. Marami pa pong hindi alam ang mga tao na ginagawa ni Ai Ai na ginagawa na niya mula pa noon hanggang ngayon.”
Kilalang mahusay magpatawa sa audience ang mga bida ng Feelennial. Pero sabi ni Bayani, madali rin daw patawanin si Ai Ai.
“Madali siyang patawanin kapag nakakatawa ka. Kasi ‘pag hindi ka na nakakatawa… Kahit ako, eh, kapag may nakakatawang komedyante, tumatawa ako, eh, humahagalpak ako.”
Dahil pareho silang magaling magpatawa ni Ai Ai, may nagtanong kay Bayani kung hindi ba sila nagsapawan sa Feelennial.
“Alam mo, para sa akin kasi, ang komedyante, kung ilan kayong tumayo sa entablado, ilan kayong magsa-shine. Kung tatlo kayo, dapat, tatlo kayong magsa-shine. Hindi ka puwedeng mag-shine mag-isa. Hindi pupuwede ‘yun para sa akin.
“Ang tawag doon, love and care. Aalagaan mo ang katabi mo, aalagaan din niya ang katabi niya. Nag-aalagaan kayo,” paliwanag ni Bayani.
Kapag hindi raw nakasabay, tinuturuan niya na mag-catch-up sa pagde-deliver ng joke.
“Tutulungan mo kasi hindi puwede ‘yung ‘Patay sa akin ‘to. Mas magaling ako rito.’ Hindi ganu’n ang comedy para sa akin. Ang comedy, lahat kayo, magsa-shine.”
May alam daw siyang komedyante na mayabang at nananapaw. Kaya kapag nalaman niya na ‘yun ang makakasama niya sa isang proyekto, nagbe-beg-off na lang siya.
“Pero ‘pag alam ko na mas nauna sa akin at gusto niyang umangat, hinahayaan ko kasi seasoned siya, eh. At tandaan ninyo, lahat ng ganu’n, eto sa akin lang ‘to, ha, lahat ng mararamdaman mo na gumaganu’n (nananapaw), hindi tumatagal sa industry. Ako, ‘yun ang paniniwala ko. Kasi ang nag-aalaga at nagmamahal sa kapwa artista, ‘yun ang tumatagal,” diin niya.
Sa kasalukuyang henerasyon, inamin ni Bayani na hinahaluan niya ng pang-millennial ang kanyang style sa pagpapatawa.
“Ang network ko kasi, bago saka luma, eh, naghahalo. Actually kasi, ang fashion naman, cycle. Ang joke, cycle rin. Umiikot lang siya. Ia-adapt mo lang ‘yung millennial touch.”
Nagbigay naman ng reaksiyon si Yani sa tipo ng komedyanteng kailangang laitin ang ka-tandem sa stage para magpatawa.
“‘Yun naman, wala ako sa posisyon para punahin ‘yun. Kasi, ‘yun ang style nila. May style ako, iba-iba kami ng style. May slapstick, may ganu’ng style. Pero at the end of the day kasi, ang pagkatao mo sa likod ng kamera ang binibilang, eh. Hindi naman ‘yung kapag nasa harap ka. Sino ka ba after ng pagiging artista mo? Paano ka ba tumulong sa kapwa mo? Sa kapwa mo artista? ‘Yun pa rin ‘yung binibilang, eh.”
Speaking of fashion, sinabi ni Bayani na siya raw mismo ang bumibili ng sarili niyang damit.
“Wala akong stylist. Nanonood lang sa mga fashion na palabas.”
Hindi sa Baclaran o sa Divisoria namimili ng damit si Bayani kundi sa kilalang shop sa mga malls.
“H&M, sa sale ako. ‘Pag nakita ko, after two weeks, babalikan ko, sale na ‘to. Kasi isang suotan lang kami. Hindi kami puwedeng umulit. Sayang lang, eh. Praktikal lang. Bumili ako ng suit sa Japan, gastos ko po ‘yun. Ang mahal!” may katwirang sabi ni Bayani.
Anyway, sa June 19 na ang showing ng Feelennial mula sa direksiyon ni Rechie del Carmen produced by Cignal Entertainment, ang original content division of the Philippine’s #1 PayTV provider, Cignal TV, at ang DSL Productions ni Pops Fernandez.
Ito rin ang kauna-unahang pelikulang ipinrodyus ng DSL Productions after organizing successful concerts for over 30 years.





Comments