DYIP BINANGGA ANG WARRIORS


KINALSUHAN ng Columbian Dyip ang kanilang three-game skid matapos nilang sagasaan ang 120-105 panalo kontra NLEX Road Warriors sa 2019 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nangalabaw si rookie CJ Perez ng 39 points, siyam na rebounds at tigatlong assists at steals upang tulungan ang Dyip na ilista ang 1-3 karta. Maagang uminit ang makina ng Dyip, hinarurot nila ang Road Warriors upang hawakan ang 14-point lead, 53-39 sa halftime.
Lalong ginanahan ang Columbian sa third canto, rumatrat ng 39-28 para lumubo ang kanilang bentahe sa 25 puntos, 92-67 papasok ng 4th quarter. Dahil sa laki ng lamang ng Dyip, kahit pumalag ng bahagya ang NLEX sa payoff period ay kinapos pa rin ang Road Warriors. Nalasap ng Road Warriors ang pang-apat na sunod na talo.
Samantala, muling makikilatis ang Phoenix Fuel Masters pagharap nila sa TNT KaTropa ngayong ala-6:45 ng gabi sa Ynares Center, Antipolo City.
Galing sa panalo ang Fuel Masters, dinungisan ang malinis na karta ng Blackwater Elite, 103-98 sa kanilang unang laro ngayong season noong Biyernes ng gabi sa Mall of Asia Arena.
Aminado si Phoenix head coach Louie Alas na si TNT import Terrence Jones ang kanilang pinaghahandaan. Isa pang inaalala ng Fuel Masters ang 48-hour lang na pahinga. Ayon pa kay Alas, napanood niya ang laban ng NorthPort at TNT kaya nagkaroon siya ng idea kung paano pipigilin ang import ng kanilang makakalaban.
Bukod kay reinforcement Rob Dozier, huhugot ng lakas si Alas sa kanyang locals na sina Matthew Wright, RJ Jazul at Jason Perkins. Magbabanatan sa unang laro ang Blackwater at Rain or Shine sa 4:30 p.m. (ATD)





Comments