Kaya dapat fight lang, besh! DALAGANG SA SANDALING MAKA-SURVIVE SA MGA PAGSUBOK AY TIYAK NA MAGTATAG

Dear Maestro,
Ako ay 28 taong gulang na at nandito ako sa Kuwait ngayon. Bakit kaya nagkasunud-sunod ang mga problema ko, dagdag pa na malapit ng matapos ang kontrata ko?
Kaya sa kasalukuyan ay naghahanap na ako ng bagong work. Gusto kong malaman kung bakit palagi akong bigo sa career at pag-ibig?
Sana, matulungan ninyo ako nang sa gayun ay gumanda naman ang buhay ko. December 26, 1990 ang birthday ko.
Umaasa,
Ms. Capricorn ng Kuwait
Dear Ms. Capricorn,
Ganyan talaga ang kapalaran ng mga “taong otso” tulad mo na isinilang sa petsang 26 kung saan ang 26 sa Numerology ay 2+6=8, gayundin, silang isinilang ng 8 at 17 kung saan sadya talagang maraming pagsubok ang kusang dumarating sa kanilang buhay, pero tulad ng mga istorya sa telebisyon, pagkatapos ng mga pagsubok, siyempre ‘yung “bida” (ikaw ‘yun) sa bandang huli, bago matapos ang palabas ay bigla ring uunlad at magiging maligaya. Kaya kung ikaw ang manonood habang nasa sasakyan ka galing sa sinehan, masasabi mo sa iyong boyfriend o girlfriend, “wow, may happy ending pala ang pinanood nating movie”! Ganyan din ang magiging buhay at kapalaran ng mga taong otso na tulad mo, Ms. Capricorn, kahit maraming pagsubok ang iyong buhay, huwag na huwag kang mawawalan ng pag-asa dahil sa takdang panahong inilaan ng tadhana, makikita mo, magiging happy ending din ang lahat.
Pero, sa kabila ng positibong pag-aanalisang ito, may aangal at kokontra pa rin at sasabihing, “Maestro, bakit ganu’n, sa ending pa ba ako magiging maligaya, gayung malayo pa ‘yun at isa pa hirap na hirap na ang buhay ko sa kasalukuyan?” Talagang ganu’n dahil ang totoo, walang buhay na madali.
Kaya kung tutuusin, hindi kaagad masaya sa mundong ito dahil naibabase lang ito sa ating mga karanasan. Kung sinuman ang maka-survive hanggang sa siya ay magtagumpay, sa bandang huli, siya ang tatanghaling wagi at maligaya.
Kaya wala kang dapat gawin ngayon kundi ang magtiis at maghintay na pagkatapos ng madilim na yugto ng iyong buhay na tadtad ng mga pagsubok, walang duda, sisikat din ang araw na may hatid na maunlad at maligayang umaga.
Samantala, upang mas madaling makaahon sa mga problema ang mga taong otso tulad mo, dapat mong iwasan ang mga taong may mga birth date na 9, 18 at 27, gayundin ang mga taong 1, 10, 19 at 28 dahil kadalasan, sila ang nagbibigay sa iyo ng problema. Pero, sa umpisa, maganda ang hatid o dulot sa iyo ng nasabing mga tao, ngunit, sa bandang huli, papangit nang papangit ang pagsasama ninyong dalawa na puno ng lungkot at pagluha.
Kung “mixed” o “magulong kapalaran” ang dulot sa inyo ng mga “taong nine at one” magbubunga naman ng magandang pakinabang kung kayo ay makikipagkaibigan sa mga taong naiimpluwensiyahan ng “numerong singko” tulad nilang may mga birth date na 5, 14 at 23, gayundin ng mga taong siyete tulad nilang isinilang sa mga petsang 7, 16 at 25. Sa kanila kayo makipagkaibigan dahil ang nabanggit na mga nilalang ang magbibigay sa inyo ng hitik at magagandang kapalaran higit lalo silang isinilang na may mga zodiac sign na Cancer, Taurus, Virgo at kapwa mo Capricorn.
Samantala, para mas madali kang makaahon sa mga problemang kinahaharap mo sa kasalukuyan, ang isa pang dapat mong gawin ay palagi kang gumamit ng mapalad mong kulay berde. Kapag hindi umubra ang kulay na ito, puwede mo ring maging secondary color ang dilaw.
Sundin at gawin mo muna ang lahat ng suhestiyon sa itaas, tamang paggamit ng kulay at tamang tao na dapat maging kaibigan, makikita mo, pagdating ng taong 2024, kusa nang mapapawi ang madilim na yugto ng iyong buhay, sisibat ang maaliwalas na sikat ng araw sa silangan at sa panahong tinuran, sa edad mong 34 pataas, magsisimula ka nang umasenso at umunlad at magkakaroon ka na rin ng masayang love life hanggang sa tuluy-tuloy ka na ring yumaman at magkaroon ng masaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments